Mas Mamahalin Kita

Mas mamahalin kita sa oras ng iyong kahinaan; kung nararamdaman mo na parang wala nang nagmamalasakit sayo, nagkakamali ka. Tahimik akong minamahal ka. Di mo kailangan maging perpekto. Dahil ang totoo, sobra ka pa sa sapat dito sa puso ko.

Mas mamahalin kita sa oras ng iyong kalungkutan; may mga luha talaga na kahit anong pigil, pilit na kumakawala. Dala na rin cguro ito ng damdaming di na kayang takpan ng ngiti mo at tuwa. Tahan na aking mahal, puso mo man ay napapagal, ikaw ay laging bahagi ng aking dasal.

Mas mamahalin kita sa oras ng katahimikan; maaaring nabibingi ka na sa ingay ng mundong ginagalawan. Hayaan mo, sisigaw ako ng malakas! “Mahal, halika sa tabi ko, yayakapin kita upang katahimikan ay madama mo ng lubusan”.

Mas mamahalin kita sa oras na gusto mong mapag-isa; tiyak na isa itong hamon sa ating dalawa. Pero dahil mahal kita, wala kang dapat ipag alala. Malayo man ako, tinitibok ng puso ko ay iisa.

Mas mamahalin kita sa oras ng iyong pagbangon; muling nabuo ang sarili mula sa masalimuot na panahon. Pag dumating ang oras na yon, pangako ko ay iisa. Halina sa altar at mangako ng habang buhay na pagsinta. Di man araw araw ang saya, hanggang sa pagtaba at pagtanda tayo ay magkasama.

Exit mobile version