Mga Alaala ng Magdamag

Nang huli kitang nakita, suot mo ang ngiti
na mistulang hindi ka dumanas ng dahas
na dulot ng nagdaang araw.
Dinig ng uhaw na lupa
ang mga yabag mong gutom sa pahinga.
Nais mong mapayapang pagbalik-tanaw,
hatid lagi ay mga tanong na hindi matahimik,
mga sagot na hindi na muling babalik.

Narito pa rin ang gabi
Nakaantabay at naghihintay
sa pilit mong pag-abot sa minsang nagkukubling bituin.
Balutin mo ito sa iyong puso
At sa paglalim nito, tumingala ka’t tunghayan mo ang pagkislap ng iyong pangalan
sa likod ng walang katiyakan.

Exit mobile version