Mga Salitang Sigurado

 

Sumulat ka ng tula para sa kanya

Ipinabasa mo sa akin, naisip ko’y “Ang ganda…”

Ganoon naman yata talaga kapag ikaw ay inspirado

Bawat salita sa kinathang tula ay sigurado

 

Ngunit sa tula mong ito para sa kanya

Ramdam ko ang sakit na iyong nadarama

Walang katiyakang relasyon sa piling niya

Nagpapahirap sa iyong kalooban tuwina

 

Wala ka mang ideya sa tunay kong nararamdaman

Ang makita kang nasasaktan ay di ko makayanan

Gustong-gusto kong ikaw ay yakapin

Mapawi ko lamang bigat ng iyong damdamin

Ngunit paano ko ito gagawin?

Kung mga mata mo’y sa kanya lamang nakatingin

Alam ko ring mahal na mahal mo siya

Bakit pa ako aasa, sinta?

 

Pero tulad mo, ako’y inspirado

Nahihirapan man, hindi nagbabago

Laman ng puso, di ko na yata maitatago

Kahit alam ko namang sa iyo ay mabibigo

 

Hindi mo lamang alam kung gaano ako nahihirapan

Mabatid ang isang masaklap na katotohanan

Kailanman ikaw ay hindi magiging akin

Ilang tula man ang ang aking gawin

 

Aaminin ko, noon ako’y nangarap na magustuhan mo

Kalokohan mang isipin, iyon ang totoo

Kapag magkahawak tayo ng kamay o nakahilig ako sa balikat mo

Minsan iniisip ko…

Gusto mo rin bang lahat ito?

 

Palagi kong inaasam na maging laman din ng iyong tula

Subalit kung magpapatuloy pa ang pag-asa

Ano ba talaga ang mapapala?

Simula’t sapul, nilinaw mong hindi kita dapat mahalin

Habambuhay na kaibigan lamang ang magiging turing mo sa akin

 

Sumulat ka ng tula para sa kanya

Ipinabasa mo sa akin, naisip ko’y “Ang ganda…”

Ngayon, hayaan mong ako naman ang mag-alay sa iyo

Mga salitang sigurado, ikaw ang inspirasyon

Mahal kita, mula noon hanggang ngayon

Hamak na tula ko ma’y walang tugon

Exit mobile version