Mga Wangis ng Ulan

Hindi ko alam. Pero bakit ganun?

Bakit parang may emosyon din ang ulan?

Yung kainitan ng araw tapos biglang bubuhos. Para bang nagpapaalala na masyado nang mainit, masyado ka nang focused. Itigil mo muna yang ginagawa mo. Loosen up a bit.

Minsan naman, hindi naman mainit pero hindi naman nagbabadya ng matinding ulan. Aambon lang. Aambon lang. Mahinang ulan…pero matagal. Yung tipong, magdadalawang isip ka kung susugurin mo ba ang ambon kasi baka bigla pang lumakas o maghihintay kang tumila kasi baka hindi na lalakas. Siguro pakiramdam ng ulan, masyado na tayong nahihirapan. Sa araw-araw na desisyon na kailangan natin gawin… sa trabaho, sa eskwela, sa bahay, sa pamilya, sa kaibigan…sa buhay. Siguro kaya umaambon, binibigyan nya tayo ng pagkakataon para makapag isip pa kahit isang minuto lang. Sa bawat segundong pumapatak ang mahinang ulan, nagbibigay ito ng karagdagang segundo para makapag isip, para pag-isipan ang mga bagay-bagay.

May pagkakataon naman na hindi naman madilim ang kalangitan, pero mabigat at malalaki ang patak ng ulan. Bakit kaya? Bakit kaya tuwing umuulan, tila bumubuhos din ang langit sa ating mga damdamin? Bakit parang nakalulungkot na melodiya ang hatid ng ulan na ito? Yung mapapabalikwas ka na lang at maiisip, “teka, bakit ako biglang nalungkot?” Sa panahon at tungo ng pamumuhay natin ngayon, tila ba isang kasalanan ang maging malungkot. Kapag umiyak ka, mahina ka. Kapag hindi ka nagpakita ng sakit, ng lungkot, ng hinanakit, malakas ka, matapang ka. Kaya itatago mo na lang. Itatago mo na lang. Kaya kapag umulan nang ganito, kahit hindi mo intensyon na maging malungkot, basta mo na lang mararamdaman. Para bang sinasabi nya na, “ayos lang. Iiyak mo lang yan.” Baka ramdam nya din yung bigat ng mga ating mga dala-dalahan.

Bagyo. Sobrang malakas na ulan na may kasamang malakas na hangin. Bagyo. Marahil ito ang paraan ng ulan para ipakita sa atin na hindi sa lahat ng oras, kalmado ka lang. Minsan, darating din tayo sa punto na sasabog na lang bigla, bubuhos na lang ang galit na nag uumapaw sa ating dibdib. Na walang kahit na anong makakaiwas. Lahat, makikita kung anong mangyayari kapag narating na ang sukdulan ng galit, ng hinanakit. Tulad ng pagkasira ng mga ari-arian, mga bahay at mga pananim, tuwing bumabagyo ng emosyon, marami rin nasisirang relasyon. Dahil hindi iningatan. Dahil hindi pinangalagaan. Kung sa una pa lamang ay nagtanim na ng napakaraming puno, malamang, hindi babaha, malamang, ang mga ito ang magsisilbing pananggalang at natatanging proteksyon ng mga halaman mula sa pagkakawasak, tulad nang pagtatanim ng kabutihan at pag iipon ng pagmamahal na syang magiging pananggalang sa hagupit ng tila bagyong emosyon na anumang oras ay maaaring makasira ng kahit na anong relasyon.

Kung nakakapagsalita lang ang ulan, ano kaya ang kanyang pinagdaraanan?

Baka…

Baka tulad ng tao, nalulungkot, natutuwa, nagagalit at nahahapo rin sya. Minsan, kinagigiliwan, minsan din naman ay pinagtatabuyan. Kinagigiliwan sa tag-init, Pinagtatabuyan sa tag-lamig. Kinagigiliwan sa tag-lamig, pinagtatabuyan sa tag-init.

Tulad nang tao, ito ang totoo. Anuman ang maging wangis ng ulan, sa bandang huli, meron at meron pa rin na makikinabang.

Ang lupa sa tag-init, nadidiligan.

Naiaanod ang dumi, nalilinisan ang kapaligiran.

Nakakainom ang mga puno,

Nalilinisan ang bubungan ng bahay.

Higit sa lahat,

Niyayakap ka ng hangin na kaakibat ng ulan sa isang umaga, hapon o gabing malamig na pinalamig pa ng kasawian, kalungkutan o hinanakit.

Buti pa ang ulan,

Madalas akong naiintindihan.

Kahit na minsan,

Sarili ko mismo, hindi ko na mapagsabihan.

Exit mobile version