Ibalik mo ako kung saan inosente pa ang mundo
Patungo sa nakaraang hindi pa ito nababalot ng gulo
Ibalik mo ako sa mundong sigaw ng masayang kalaro ang naririnig at hindi nakakabinging karahasan
Dahil hindi ito katulad ng galos sa pagkadapa na kaybilis lamang lunasan
Langit lupa impyerno, im im impyerno
Saksak puso tulo ang dugo? Malabo nang mabuhay pa at hindi kana makakaalis sa pinagkatumbahan
Tagu-taguan maliwanag ang buwan, sa panahon ngayon masarap parin bang maglaro sa dilim-diliman?
Sapat nga ba ang bilang ng sampu sa paghahanap ng katotohanan?
Ang sarap isipin na dati’y lata lamang ang kailangan patumbahin
Upang makalaya ang mga presong nakagapos dahil sa tunay na salarin
Ibalik mo ako sa mapayapang nakaraan
Kung saan tanging bola lamang at hindi buhay ang pinaglalaruan
Walang pakialam sa mundo dahil ako ay balot ng kamusmusan