Nagkakasala Ka Pa Lang, Pinatawad Na Kita

Hindi ko lubos maisip kung bakit hinayaan ko ang aking sarili na malagay sa sitwasyong ito. Sa isang sitwasyon kung saan nagbulagbulagan ako sa katotohanang harap-harapan mo na akong niloloko.

Ipinagkibit-balikat ko lang, isinawalang bahala, sapagkat umaasa akong hindi mo sisirain ang tiwala ko. Subalit, nagkamali ako.
Ngayon ko lang napagtanto na kahit ang pinakamamahal mong tao, sa isang iglap, kayang-kayang sirain ang tiwala mo.

Ni minsan hindi pumasok sa isip ko na magagawa mo akong saktan – na magagawa mong mangaliwa, at magkipagrelasyon sa iba sa panahong akala ko ay masaya tayong dalawa. Akala ko’y sa akin ka, sa kanya ka rin pala.

Maaaring ang matatamis mong “mahal kita” ay bumkambibig mo rin sa kanya. Ang mainit mong mga yakap at halik ay hindi lang ako ang nakadarama.

Sa bawat oras na pumapasok ito sa isip ko, tinatanong ko sa kawalan,”Naiisip mo kaya ako sa oras na nagtataksil ka?.” Malamang ay hindi. Maaaring nakakalimutan mo na ako sa oras na kapiling mo sya. Tinatanong ko rin kung “hindi ka ba nakokonsensya?.” Malamang ay hindi. Dahil sa umpisa pa lang, hindi mo na sana ginawa kung alam mong mali.

Ngayong tapos na sa atin ang lahat, malaya na tayong dalawa. Malaya ka ng gawin ang gusto mo. At malaya na rin ako mula sayo – sayo na namantala ng pagmamahal na inialay ko.

Ang pagpaparaya ay ibinibigay ko para sa kaligayahan mo. Maging masaya ka sana sa piling nya. Alam mo kung gaano kita kamahal at lahat ng kaya kong gawin para sayo – maging ang palayain ka.

Hindi rin ako magtatanim ng poot at galit laban sayo sa bawat pagkakasala mong ginawa mo sa akin. Kahit di ko man makita ang pagsisisi, bukas ang puso ko sa pagpapatawad.

At sa huling sandali, nais kong sabihin sayo na – “Mahal… nagkakasala ka pa lang, pinatawad na kita.”

 

 

 

(Unspoken message for J.L.G)

Exit mobile version