Nagulumihanan

Ako’y tahimik at bigla ka nalang dumating.
Binasag mo ang katahimikang kay tagal na hiniling.
Nagkausap, nagkasama’t nagkamabutihan.
Ngunit samahang iyon, sa’n nga ba ang hantungan?

Hanggang mga salita mo’y nag-iba.
Puso’y napapakaba’t, napapaawit nang nakakatuwa’t kakaiba.
Ngunit iniisip ko kung ang mga binigkas mo ba’y siyang tunay,
dahil mahirap na sa bandang huli’y umasa lang pala at masanay.

Araw ay lumipas at ako ay sumugal.
Pinagbuksan ka ng pinto dahil baka ikaw na ang hatid ng Maykapal.
Ngunit dibdib ko’y biglang kumirot.
Ikaw pala’y pagkalito at lungkot lamang ang idudulot.

Puso ko’y biglang nayamot.
Ngayo’y lahat ng iyong ginawa ay di ko malimot.
Bakit umalis pa kung kailan mahal mo na?
Damdamin mo ba’y tila panahon rin ba?

Ika’y umalis, walang pakundangan
Ngayon puso’t isip puno ng katanungan.
Ako ba’y minahal at naging mahalaga man lang?
O sinubukan at ginawang pampalipas oras lamang?

Tulad ng bagyo, ika’y nanalanta, nanggulo at nanira.
At tulad ng bagyong papalayo, alam kong pagtagal di na rin madadama.
Mga bakas na iyong iniwan ay matatagalan pa,
ngunit alam ko, lagi namang may pag-asa di ba?

Lungkot, sakit, at galit ay naramdaman ko.
Ngunit lahat ng ito’y wala ng magagawa kahit na malaman mo.
Puso’t utak kong nagulumihanan sa gawa mo.
Sana pagdating ng panahon ay maayos ko.

Isang araw lahat ng ito’y maglalaho.
Pagkalitong labis na idinulot mo, sa iba’y kasiguraduhan ito.
Nilisan mo man ay alam kong may tamang darating.
Hindi man ngayon, ngunit sa tamang panaho’y makakapiling.

Exit mobile version