Nasaan Ka?

NASAAN KA?
Sa aking paglalakad, kasama kita.
Sa aking pagsakay sa bawat sasakyan, kasama kita.
Sa aking pag-iisa, kasama kita.
Sa bawat kasiyahan at kalungkutan ay kasama pa rin kita.

Pagod ang aking katawan mula sa mahabang aktibidad,
Masakit ang aking ulo at mabigat ang pakiramdam,
Wala akong makausap o mapaglalabasan,
Nagpapasalamat ako dahil ikaw ay nariyan.

Saksi ka sa aking mga hinanakit at dalangin,
Nakikita mo rin ang kondisyon nitong damdamin,
Nalalaman mo rin ang problema ko’t pasanin,
Ikaw ay nariyan upang lahat ng ito ay kayanin.

Sa pagtulog, kasama ka.
Sa bawat gawain, aktibo ka.
Puso ko’y natutuwa
Dahil umaalalay ka.

Iba’t-ibang naratibo ang iyong naranasan,
bawat kuwento ay dumadaloy isa iyong daanan,
Inihahatid mo sa akin ang bawat kahulugan
Upang kahit kaunti ako ay iyong matulungan.

Naaalala ko pa ‘nun
Nang tayo’y unang magkakilala,
Madami sila,
Pero ikaw ang bukod tangi sa kanila.

Para sa iba,
halaga mo ay mababa.
Pero, para sa akin,
natutuwa ako ng ikaw ay makuha.

Sa totoo lang, hindi kita makukuha:
Kung hindi kita nakita,
Kung hindi ako nawalan,
Kung hindi ako dumaan,
Kung hindi ako naghanap.
Kung hindi ako namili.

Ako’y nagtanong, naghanap at nagduda
Upang malaman kung ikaw ay nandiyan pa ba,
Kasama kita, pero bigla kang nawala,
Ikaw ba ang kusang lumisan o ako na siyang nangiwan?

Binilang ko sa aking mga daliri ang araw na tayo’y magkasama,
Inisip ko ang lahat ng alaala nating dalawa,
Pinilit kong bumitaw at tanggapin ang tadhana
Na ikaw ay wala na at nararapat kong isuko na.

Hindi ko nais na ikaw ay palitan,
Dahil pareho tayong kumapit at nagdamayan,
Sinubukan kitang hanapin, ngunit ito ang ating kapalaran,
Na ikaw ay naglaho na at kailangan ng kalimutan.

Ngayong nakakahinga mula sa masikip na trahedya
Naiisip pa rin kita at wala pang pumapalit na iba,
Dahil natatakot ako sa magiging resulta
Na tulad mong naglaho din at iniwan akong bigla.

Hinihintay ko ang panibagong pagkakataon,
Ang karanasan na muling dumaloy sa akin ngayon,
Ako’y handa na at sabik na magkaroon,
Ng bago at puting earphones.

Leave a comment

Exit mobile version