Nasaan Na Ako Sayo?

Matagal-tagal na rin nung huli kong ikinalat ang tinta ng bawat salita sa mga pahina. Mga taon na rin nung ginuhit ko ang alingawngaw ng nadarama sa pinagdugtong-dugtong kong parirala.Sinabi ko sa sarili ko na kailanman ay hindi na ako lilikha pa ng mga talatang may tugma, na hindi ko kailangan ng panulat o anumang akda.

Nagkamali ako ng inakala, naging taksil ako sa sarili kong salita. Isa parin pala akong mahina. Hindi ko kayang buksan ang mga labi ko para bigkasin ang mga salitang pilit na humihilagpos sa loob ko, dahil alam ko.. alam kong kasabay ng pagpapalaya ko sa mga salitang to.. ay matitibag ang tapang ko, matatapos ang pagkukunyare ko, at masisilip mo ang buong pagkatao ko.

Tumingala ka at tingnan mo ang buwang nagniningning sa karimlan, ang mga bituin nyang hindi sya nilisan. Ramdam mo ba ang kapayapaan ng kalangitan? Natitiyak kong sila ang pinakapinagpalang likha ng Maykapal. Nakakayamot man, pero kailangan ko bang maging buwan para hindi na maiwan kung ‘di ko naman kailangan ang kalawakan para magkaroon ng sarili kong lugar?

Bumuhos ang ulan at biglang tumila, nasanay ako sa liwanag at ngayo’y nabibingi na sa ingay ng dilim. Tumatakbo ako ng nakapiring, hindi ko alam kung ako ang nasa unahan o ako ang napag-iwanan. Ngayon sabihin mong mahina ako, sabihin mong mapaghanap ako.. Pero saan ako lulugar kung tanging sa papel lang na ‘to ako nakakatagpo ng sarili kong espasyo.

Exit mobile version