NATAGPUAN KITA

Natagpuan kita, sa tagpuan na walang kasiguraduhan,
Nagbabakasakali na magkatagpo ang ating nararamdaman,
Nagdarasal na tayo ang pinagtagpo ng maykapal,
Kaso parang ang kapal, inaasam na makasama ka ng matagal,
Habang ikaw ay iba ang dinarasal.

Natagpuan kita, sa hindi ko inaasahang pagkakataon,
Nagkataon na iba ang hangarin ko noon,
Ngunit ngayon, ikaw ang palaging tugon,
“Puhon” o sa tamang panahon,
Hindi na palalagpasin ang pagkakataon,
Na maamin ang dadamdamin na sayo nakatuon.

Ngunit ano nga ba ang rason?
Nang pagkahulog ko sayo ngayon,
Simple lang, pero mahalaga ka,
Gusto kita, hindi basta ginusto lang kita
Pinagdarasal kita, pero hindi basta pinagdasal lang kita,
Ikaw ang nais kasama, hindi lang dahil nandiyaan ka,
Labis ang iyong pang unawa, kahit hindi ko na ipaunawa,
Sa madaling salita, walang madaling salita ang makakalahad ng nararamdaman ko sayo sinta.

Kaya sa tulang ito, dalangin ko na matagpuan,
Ang punto ng damdamin na sayo nakalaan,
Malayo ‘man ang tagpuan,
Dasal na sa tamang panahon,
Ikaw parin ang aking matagpuan,
At hinding-hindi na kita papakawalan,
Hanggang sa dulo ng walang hanggan.

Exit mobile version