Pagkaraan ng mahigit 2 taon nabuksan ko ulit ang accoung na ito, buti na lang at naisulat ko sa isang notebook ang username at password para dito.
Mahilig talaga ako sa pagsusulat, kaya naman noong maikwento sa akin ng aking guro sa Grade 12 and site na ito ay agad akong gumawa ng account upang dito makapagbahagi ng aking mga nasasaloobin ng walang nakakaalam. Ang pinakauna at huling akdang isinulat ko dito ay pinamagatan na Self love is the best love https://boilingwaters.ph/self-love-is-the-best-love/ isinulat ko ito noong mga panahong maganda at maayos ang outlook ko sa mundo. Isinulat ko ito sa paghahangad na kung sino man ang makababasa nito ay magkakaroon ng lakas ng loob at tiwala sa kanilang mga sarili para mahalin ang totoong sila at magbigay pag-asa sa mga taong hindi naniniwala na kaya nila. Pero ngayong araw, ilang araw lamang pagkatapos ng aking ika-19 na kaarawan tinanggap ko na ang pagsuko. Ang pagmamahal ko sa aking sarili ay nawala na.
Noong binalikan at muli kong basahin ang akda na akin mismong isinulat, hindi ko napigilang mapaiyak. Tumulo ang mga luha na agad ko rin namang pinunasan bago pa may makakita at sabihing ako ay nag-iinarte na naman. Naisip ko na napaka bata ko pa noong mga panahon na iyon at napahanga rin ako sa klase ng pag-iisip na siyang tinataglay ng 17 taong gulang na ako, sya ay masaya, malaya, at higit sa lahat puno ng pagmamahal.
Hindi ko alam kung ano ang nangyari sa 2 taon na oras na syang pumagitan sa aming dalawa, hindi ko alam kung paano at bakit na naman ako bumalik sa ganitong estado. Kadalasan, ang utak ko ay blangko, ang isip ko ay lumilipad at mas malayo na ang narating ng aking ihaminasyon kumpara sa aking mga pangarap. Ang dating pag-asa at kinang sa aking mga mata ay napundi na at ang dilim na dating bumabalot sa aking pag-iisip ay muling nagbalik.
Self love is the best love, indeed, at ako ay umaasa na sana ang pagmamahal ko sa aking sarili ay muling magbalik.