Alam ko na bakit ako naging ganito. Kung bakit ganito yung naramdaman ko, kung bakit sobrang sakit, kung bakit sobrang hirap. Unti-unti ko na rin nakikita yung sagot sa mga simpleng tanong na bigla na lang dadaan sa isip ko. Kaya pala. Mali pala. Di pala dapat ganun. Sumobra ako sa limitasyon ko. Masyado na rin pala yung pagbabago na natamo ko simula nung meron tayo. Masyado ko pala binago yung mga bagay na di naman talaga ako para maging angkop diyan sa mga mata mo. Masyado pala ako nagpakitang gilas para lang maging bagay ako sayo. Di ko rin namalayan na masyado ko na palang kinulong yung sarili ko sayo. Di ko rin namalayan, di na pala ako yung dapat gumagawa nang mga bagay na yon. Gabi gabi kong iniisip yung mga di mo nagawa para sakin. Mali. Kasi di ako naging kuntento sa binibigay mo. Pero napakahalaga ng mga bagay na natutunan ko sayo. Natutunan ko na di ako yung dapat kumikilos at gumagawa ng paraan. Nakakainis! Napaka lambot nitong puso ko pagdating sayo. Di na tama. Wala na sa lugar. Pero ayan! ang dami kong natutunan lalo na sa mga bagay na naging mahina ako. Sa likod ng mga “bakit ako yung mali?”, “bakit ako na lang mag-isa?”, “bakit ako pa?”, “bakit di mo kinaya?” meron mga sagot na “mali yung panahon”, “mali yung kasama”, “mali yung pinili”, “mali yung pinaglaban”. Simpleng mga bagay na kayang sagutin ng kahit sino pero di kayang maramdaman ng mga taong yun yung sakit sa bawat tanong na yan. Ngayon, eto na ako. Nakakabangon na. Nakakapagpigil na ng iyak. Di na kinikilig sa mga bagay na kadalasan mong ginagawa. Di na ngumingiti sa mga titig at pagpapatawa mo. Di na kayang bumalik dun sa dati. Tama nga. Nagbabago nga. At nagbago na nga. Dumating na yung kinakatakutan ko, yung di na kita kayang titigan ng may damdamin at emosyon na nangunguna sa mga mata ko. Ngayon nararamdaman ko na nagbabago na ang pakikitungo ko sayo. Nagbago na ang pakiramdam ko pag nandyan ka. Di na ako masaya pag nakikita kita. Di na tumatalon yung puso ko dahil naamoy ko na yung pabango mo. Yung kinakatakot mong maramdaman ko para sayo, ito na. Unti unti nang nawawala. Unti unti nang naglalaho. Pasensya na. Ikaw may gawa neto. Sana respetuhin mo itong nararamdaman ko, patuloy akong magpapasalamat sa mga bagay na nagawa mo lalo na sa mga masasakit at nakakahabag damdamin nating sitwasyon, marami akong natutunan dun na nagpatibay sakin ngayon. Salamat kahit sandali lang yun. Isa kang pagpapala. Di kita malilimutan, ikaw yung taong nagbigay sakin ng mga aral na madadala ko para sa kinabukasan ko. Ngayon alam ko na, di ikaw yung para sa akin. Salamat.