“Oo, ikaw!”

Oo, ikaw na napapagod na sa hirap at pagsubok,
Nalulugmok, napapagal sa kakarampot
Lahat nama’y ginawa ngunit walang pinagbago
Sadyang ganito ba kalupit ang tadhana sa’yo?

Oo, ikaw na palaging bigo at walang makitang tama sa’yo
Pilit na tumatayo pero lalong nabibigatan lalo
Ginawa mo ng lahat pero kay lupit pa rin ng mundo
Kahit anong pagsisikap, mundo’y lumalaban para ika’y mabigo

Oo, ikaw na lahat ay pinagkaisahan
Walang may gustong tumulong, lalo pang inaapakan
Paghihirap mo’y lalo pang dinadagdagan
Pilit na lumalaban pero bakit parang pinaparusahan?

Oo, ikaw na patuloy na lumalaban,
kahit lahat sa paligid mo ika’y pinagtatawanan.
Ano mang pagsubok ang iyong pagdaanan,
Patuloy na tatayo, nagsisikap kahit na nasasaktan.

Oo, ikaw, lahat yan nakikita Ko.
Di Ako bulag para di makita lahat ng ito.
Lahat ng yan mga pagsubok lang naman.
“Anak, sana wag mong isiping ika’y pinaparusahan.”

Oo, ikaw na matagal Ko ng pinaglalaban.
Sana’y anak, iyong maramdaman,
Di mo lahat kaya, di mo lahat pasan.
Hayaan mo Akong ika’y tulungan man lang.

Oo, ikaw na sa Aki’y tumalikod.
Pero ako kelanman di natutong lumimot
“Anak, ano ba, wag ka ng magmatigas.”
Kung ika’y nahihirapan na, di solusyon ang Aki’y pagtakas.

Oo, ikaw na sa Akin ilang beses nang-iwan
Ika’y mahal pa rin, sa puso Ko’y nanahanan
Sana malaman mong mahal pa rin kita,
Kahit ako’y kinalimutan mo na.

“Anak, Oo, ikaw!

….sana’y umuwi ka na.

Ako ito, ang Iyong Ama.

Exit mobile version