Paalam

Paalam.

Paalam sa ating mga ala-ala na binuo nating dalawa. Mga ala-ala na kung saan naramdaman ko yung saya na gustong gusto kong maramdaman, yung mga tawang umaabot hanggang matapos ang araw, yung mga kwentuhan nating hindi natin inakala na nangyari pala ‘yon sa buhay natin, yung mga luhang binuhos ko kapag ako ay nadidismaya sa sarili ko at kalungkutan dumadalaw sa’kin, at nandyan ka para damayan ako. Ang mga ala-ala na ito ay mananatili na lamang ala-ala sa aking isip.

Paalam sa mga oras na ginugol na’tin pareho na magkasama tayo. Gumagawa tayo ng paraan na maglaan ng oras para lamang magkasama tayong dalawa kumain at magmuni-muni sa isang lugar na tahimik, mag-discover ng mga bagay na ‘di na’tin alam pareho, mag-road trip sa pamamagitan ng pag-commute dahil trip lang na’tin gumala, lahat ng mga oras na kasama kita, alam kong ligtas ako. Yung tipong kapag malapit na ako madali ng sasakyan habang patawid tayo sa daanan, hihilain mo lang ako para iligtas at mapapasandal ako sa’yo.

Paalam sa mga bagay na tinuro at binahagi mo sa’kin. Marami ako natutunan mula sa’yo–kung paano maging matapang, paano harapin ang mga bagay na kinakatakutan ko noon, ano ang aking gagawin kapag mag-aaral ako para sa mga exams at quizzes, pati na din kung paano kumuha ng mga litrato gamit ang aking DSLR. Binahagi mo din sa’kin kung anu-ano ang mga natutunan mo sa buhay na tinuro sa’yo ng iyong mga magulang. Binago mo ang aking mga pananaw sa buhay.

Paalam sa mga yakap at halik na binigay mo, at sa mga tingin mong nakatutunaw. Yung yakap na hahanap-hanapin ko kapag umalis ka na sa buhay ko, sobrang init na parang pag-ibig nating nagliliyab at nararamdaman kong ligtas ako ‘pag kayakap kita, na parang ayaw mo na din ako pakawalan dahil naging parte ako ng mundo mo. Yung halik na matamis na puno ng pagmamahal, hindi agresibo pero dahan-dahan lang lalapat sa aking mga labi habang nakatayo tayo sa harap ng bahay namin. Yung mga tingin mong napakalagkit at nakalulunod na parang ako lang ang babae sa mundo, kapag tumitingin ako sa mga mata mo, nakikita ko yung pagmamahal na binubuhos mo sa’kin araw-araw.

Paalam sa’yo. Yung ikaw na hindi ko na makikita araw-araw dahil lumisan ka nang walang paalam sa’kin. Yung ikaw na tipong iniisip ko kaagad sa tuwing paggising ko at bago ako matulog, yung ikaw na laging nagpapaalala sa’kin na ‘wag ako magpapalipas ng oras sa pagkain, yung ikaw na kukulitin ako ‘pag wala kang magawa o aasarin ako kasi gustong gusto mong pinipikon ako, lahat ng ito ay ‘di ko na mararanasan dahil mawawala ka na.

Paalam sa’ting dalawa.

Published
Categorized as Move On

By Tin

Alexithymia is unable to express feelings or emotions. Now that I have the chance to express my true feelings, I'm going to break these barriers by sharing my own thoughts, feelings, and emotions.

Exit mobile version