Ang lamig ng gabi nung ika’y umalis. Tulad ng pagpatak ng ulan sa langit, ganun kataas nahulog ang aking sarili. Alam ko na hindi na dapat ako naghabol pero itong puso kong tuliro ay ‘di papipigil. Ayoko na sana, sinubukan kong tumakbo papalauo ngunit pilit pa ring bumabalik sa iyo. Nagtatalo na ang aking puso’t isipan. Pilit kong sinusunod ang aking utak sapagkat alam ko ito ang dapat. Sinadya kong pilitin ang puso ko na ika’y kalimutan. Katulad ng ulan ang pagpatak ng aking luha. Pilit ko mang sumilong upang ito ay tumila pero patuloy pa rin ang pagluha. Sa gabing ito ako’y magpapaubaya. Hindi ko lalabanan ang kagustuhan ng aking puso na ika’y makita. Kung pagbibigyan nga naman ni bathala ako’y hindi nababahala dahil alam ko na tulad ng tala, pag dating ng umaga ika’y mawawala. Masakit na sa mata ang sinag ni haring araw ngunit ayos lang dahil ito’y sumasagisag sa panibagong simula. Hahayaan ko muna ang puso’y maligaw sa iyo sa gabing ito. Kasabay ng ulan, ako’y magpapaanod sa aking nararamdaman para sayo. Bukas sa paggising alam ko na wala ka na dito. Kaya sa ilalim ng ulan hayaan mong ako’y mahulog ng tuluyan. Dahil pagkatapos ng kanyang pagpatak, ako ay hihinto at iisiping panaginip lang ang lahat. Paghiga ko para matulog ako’y tatahan at sa aking diwa ikaw ay pilit na kakalimutan. Kaya sa gabing ito hayaan mong ito’y maging aking huling iyak sa pag-ibig na walang patutunguhan.