Paano Kaya Kung Naging Tayo?

Paminsan-minsan bago ako matulog, napapadaan ang diwa ko sa’yo.. Sa maamo mong mukha lalo na kapag nakangiti ka.. Sa tawa mong ni minsan ay di ako nagsawang marinig.. Sa boses mo tuwing isinisigaw mo ang pangalan ko.. Sa itsura mo noong huli tayong nagkita. Istupido siguro kung iisiping na ni minsan ay di ko nagawang masabi sa’yo lahat ng laman ng isip ko. Pero kung sakali mang bigyan ng pagkatataon, siguro itatanong ko sa’yo kung paano kaya kung naging tayo?

Hinding-hindi ko malilimutan yung unang beses kitang nakita. Sa dinami-rami ng tao sa kwartong iyon, ikaw na nasa likuran ang una ko pang nakita. Kapansin-pansin ka – matangkad, nakasuot ka ng salamin na tila nakikinita mo na ang kaluluwa ko. Pero imbes na ika-ilang ko, mas lalo lamang akong naging interesadong makilala ka.

At hinayaan mo naman akong kilalanin ka. Magkasabay tayo sa lunchbreaks. Magkatabi sa laboratory. Share sa earphones pag nagsasoundtrip tuwing break. Taga-gising kapag paparating na trainer natin. Magkasama sa kulitan, kalokohan pati minsan pag nag-dadrama ka.

Minsang tinititigan kita, hindi ko napigilan ang sarili kong mapangiti. Kung paano mo hawiin ang mga pasaway na hibla ng buhok mong tumatabig sa mata mong di mapigilang pumikit sa kakatawa. Napakaganda.. Hindi ko sinasadya pero doon rin pala mapupunta. Hindi ko sinasadya pero andiyan na nga.

Lihim kitang nagustuhan simula noon. Nagustuhan ko lahat ng ipinakita mo sa akin, maganda man o hindi sa paningin mo at paningin nila. Lahat ng kawirduhan, kadramahan, kaligayahan at kalungkutan. Pakiramdam ko’y walang bagay na di kanais-nais sayo; kitang-kita na nagugustuhan ka ng karamihan. At dahil doon, nakaramdam ako ng bagay na hindi dapat – selos.

Wala akong karapatan pero ramdam na ramdam ko iyon. Naiinggit ako sa mga bagay na nakukuha nila sayo – atensyon, oras, pagkakataon na makasama ka, maging rason sa iyong pagtawa. Gusto kitang itago sa tuwing nakikita ko silang papalapit sayo. Gusto kitang sabitan ng anting-anti para lumayo sa’yo yung mga taong alam kong lolokohin ka lang. Habang tumatagal, tila may sakit akong mas lalo lumalala – selos, inggit, takot na tuluyan kang lumayo sa akin. Huli na ng malaman kong may mas malalang sakit na pala ako. Mahal na pala kita.

Minamahal na pala kita. Wala kang ginawa o sinabi para maramdaman ko ito pero doon rin pala ako mahuhulog. Effortless FREE FALL. Kaso tulad ng sinabi ko, isang karamdamang patuloy lamang na lumalala itong nararamdaman ko dahil alam kong sa huli, masasaktan lang rin naman ako.

Ang sabi mo nga, may mga taong kinaka-ibigan at may mga tao rin naman kina-kaibigan lamang. Alam ko naman kung saan ako lulugar. Pero hindi ako hipokrito para hindi mangarap na sana, magawa mo akong magustuhan. Hindi naman ako pangit. Ikaw rin naman ang nagsabi niyan. Hindi ako bobo. Hindi rin masama ang ugali ko. Pero tila hindi talaga ako pasok sa banga. Marahil may mga bagay talagang wala ako na siya namang hinahanap mo.

Kahit ilang taon na rin tayong hindi nagkikita, hindi nagkakausap, iniisip pa rin kita. Iniisip ko pa rin kung ano kayang mangyayari kung sinubukan kong sumugal. Iniisip ko kung tulad ko ay minsan, kahit minsan, kahit kakaunti lamang, sumagi rin sa isip mong ako ay iyong nagustuhan. At iniisip ko pa rin kung kailan kaya malulunasan ang karamdamang ikaw rin ang dahilan.

Napakaganda sana kung sa sakit kong ito, ikaw rin ang magbibigay lunas. Sa ngayon, nanamnamin ko muna ang kilig, pagkamiss, pangungulila at pangamba na dala nito hanggang sa dumating ang gamot. At habang naghihintay, paminsan-minsan kong sisilipin ang larawan mong palihim kong kinuha noong kasama pa kita.. ngingiti.. magtatanong kung paano kaya kung naging tayo..


By Amanda

A mix of slightly strong, hopeless romantic, open-minded but sometimes dirty-minded lady.

Exit mobile version