Mahigit isang taon na magkarelasyon si Kim at Marie. Inakala nila na madami na silang pinagdaanan at handa na sila sa anumang darating pa na pagsubok sa kanila. Sa katanayan pa nga, nagdesisyon si Marie na lumipat na sa bahay nila Kim upang magsama sa iisang bubong. Nagsimula ang relasyon nila sa Long Distance Relationship o LDR, si Kim na nasa Maynila at si Marie na mula sa Baguio. Sabi nga lang ni Marie, handa siyang magsakripisyo na lumipat ng trabaho at humiwalay sa pamilya para makasama niya si Kim kaya nagdesisyon itong kausapin si Kim at dun na manirahan sa kanila. Tila nagulat din si Kim ngunit takot na masaktan si Marie kaya kahit na si Marie ang unang nagdesisyon na magsama na sila, hindi na kumontra si Kim.
Tila para silang hinamon ng tadhana, lagi sila nag-aaway; pera, trabaho, pamilya, mga kaibigan. Inakala nila na kilala na nila ang isa’t isa, at hindi nagtagal ay naghiwalay sila. Sabi ni Kim, hindi na niya kaya ang naging pagbabago ni Marie. Masyado na daw itong naging mayabang, lalo na sa trabaho Magkasama kasi sila sa iisang kumpanya, nauna si Kim at siya ang nagrekomenda kay Marie upang magkasama na sila sa trabaho. Naging bossy si Marie na siyang ayaw naman ni Kim, mas mataas ang posisyon ni Kim sa kumpanya pero para bang si Marie ang naging boss dahil sa mga nangyayari, ayon kay Kim. Hindi na din nagugustuhan ni Kim ang pagiging magastos ni Marie, mahilig kasi magshopping si Marie at galante sa ibang tao. Di na nakatiis si Kim at kinausap niya ang kasintahan, dun na sumabog ang lahat ng kinikimkim na sama ng loob ni Kim, ikinagulat naman ito ni Marie at sinabing kasalanan ni Kim ang lahat dahil hindi siya naging bukas sa mga nararamdaman niya.
Nagdesisyon sila na maghiwalay, umalis si Marie sa tahanan nila Kim. Akala ni Kim ang kasunod na mangyayari ay ang magmove on sa hindi nagtagumpay na relasyon nila, ngunit ito pala ay maling akala. Kinausap ni Marie ang mga magulang ni Kim, sinabi nito na sa mga kaibigan niya lamang siya nakikitulog at wala ng sapat na pera panggastos sa kanyang mga pangangailangan. Agad namang sinabihan nila Karen at Edgar, mga magulang ni Kim, na maaari pa rin manatili si Marie sa kanilang tahanan. Ayaw ni Marie, wika niya, magagalit si Kim. Maliban dito, kinausap din ni Marie ang mga kaibigan nila ni Kim at sinabi ang mga nangyari, siyang naging dahilan naman ng malamig na pakikisama ng mga tropa nila kay Kim. Kinausap si Kim ng kanyang mga magulang at kaibigan, doon niya nalaman na nagkekwento na pala si Marie tungkol sa kanilang mga pinagdaanan. Lahat sila iisa ang payo kay Kim, “magbalikan na kayo, kawawa naman si Marie”.
Buo na ang loob ni Kim sa naging desisyon niya na maghiwalay na sila ni Marie. Bagama’t di niya inilahad ang lahat ng naipong sama ng loob na meron siya kay Marie, tila nagatungan pa ang kanyang sama ng loob dahil sa mga nabalitaan niyang sinabi ni Marie sa ibang tao. Dun niya nasabi na, “Paawa Effect”. Ipinaliwanag ni Kim na para sa kanya, ang “Paawa Effect” pagkatapos ng break-up ay isang mindset kung saan humihikayat ng simpatya sa ibang tao upang kaawaan at magmukhang lubos na nasasaktan, isa daw itong pyschological way na pagsasabing humihingi siya ng tulong upang maibalik ang lahat sa dati. Sa madaling salita, aniya, ginagawa ni Marie ang “Paawa Effect” upang kumbinsihin siya ng mga taong mahahalaga sa kanila na balikan niya si Marie.
Ngunit hindi naging epektibo kay Kim ang ginagawa ni Marie. Imbes na mahabag siya sa kalalagayan ni Marie, lalo itong nagalit sa kanya. Nagalit sapagkat siya ay nahusgahan ng ibang tao na para bang siya lang ang may kasalanan sa kanilang paghihiwalay, na para bang tama ang lahat ng sinabi ni Marie laban sa kanya at tama ang payo ng lahat na magbalikan na sila dahil kaawa awa si Marie. Hindi ganon ang nasa isip ni Kim, gusto na niya ng katahimikan, naging toxic na ang relasyon nila at hindi din uubra ang “paawa effect” para balikan niya si Marie. Aniya, ginawa na din noon ni Marie ang strategy na ito, mag aaway sila at magkekwento sa ibang tao upang kausapin siya at kumbinsihin na magkabalikan. Ngunit pagod na si Kim, sumuko na daw siya.
Ayon kay Kim, “Hindi na ako muling maniniwala lalo na ngayon, hindi gagana ang “Paawa Effect” After Break-Up.”