Pag-ibig na Manghuhula

Madilim at nangangapa pa sa nakalipas na sariwa pa. Mga nakaraan na nagpapaalala kung paano ka minahal ngunit iiwan din pala. Nabiglang mga damdamin na inakala mong tama ngunit hindi pala dahil nagkamali ka. Mali ka, nung pumayag kang hawakan nya ang iyong kamay. Mali ka, nung sumama ka sa lugar na unang beses mong napuntahan. Mali ka, nung hinayaan mong kiligin ka sa kanyang mga titig na may kasamang ngiti. Mali ka, dahil inakala mong mahal ka na niya.

Sumaya ka? Ngunit maraming bakit. Bakit mo hinawakan ang aking kamay at pinatibok ng mabilis ang puso kong nadala ng iyong salita. Mga kwento na napaka interesado pero nakahanay ka rin pala sa mga gago. Masayahin ka. Pala kwento ka. Habang naglalakad sa daan at marahan kang pinapakinggan sa mga kwento mong paulit ulit nalang kahit na hindi mo napapansin na nakakasakit ka na.

Hindi ako kumikibo, dahil natatakot ako. Na baka sa aking mga tanong, ako nanaman ang talo. Ayokong maging dehado, pero alam kong hindi naman ako ang gusto mo. Malungkot ka lang alam ko, kaya nabigla ang damdamin mo nung magkakilala tayo. Mahal mo pa sya alam ko, sa umpisa pa lang ramdam ko. Pero, nahulog ako agad, yun ang malaking pagkakamali ko.

Gusto kong pumikit sa tuwing makikita kita at takpan ang mga tenga sa tuwing maririnig ang iyong mga tinig na naging kahinaan ko habang nagkukwento ka sa tabi ko. Hindi kita sinisisi, pero gusto kong sagutin mo ang lahat ng bakit? Bakit ako? Dahil nagpakita ako ng motibo kaya pinagsamantalahan mo? Dahil sa lungkot ng iyong nakaraan kaya naghanap ka ng kalinga na sa akin mo nakita?

Sa tuwing maiisip ko na tanungin kung anong meron satin, tumatakbo sa aking isipan na wag na lang, alam kong ako lang—ako lang ang talunan sa nabuong ewan ko kung patungo saan. Nalilibang ka habang ako masaya. Magkaibang aspeto kaya hindi ko alam kung saan ba ako dapat lumugar. Kung lalayo sayo subalit malulungkot ako habang sayo ay wala lang at okay lang o patuloy parin akong hahakbang palapit kahit sa unti unting paglapit alam kong sa dulo ay sakit sa puso ang makakamit.

Ayokong mamili at humantong sa pagtatapos dahil sa simula palang ay wala naman talagang simula. Nadala ka lang, nadala lang tayo sa mapusok na damdamin na hindi naman pwedeng ipilit kahit ano pang ating gawin. Ganyan ako katanga, kahit sa umpisa alam ko na ay nagbabakasali pa rin na pwede pa. Kung pwedeng lumalim ang nasimulan at gawing totohanan ang lahat ng nararamdaman—nararamdaman ko para sayo. Dahil ako lang naman ang may gusto at napilitan sa lang sa mga naging kilos ko sayo.

Exit mobile version