Pagmamahal(an)

Sarili ay hindi maintindihan. Naguguluhan sa nararamdaman. Tinatanong sa sarili, “Bakit? Bakit nga ba hindi ko maamin?” Nag-umpisa ang lahat sa kamustahan, kwentuhan, hanggang nauwi sa pagkakaibigan. Ang pagkakaibigan, nauwi sa pagmamahal. Pagmamahal hindi pagmamahalan, dahil mukhang ako lang ang may alam. Hindi sigurado kung nararamdaman ko sayo ay kapareho ng puso mo. Mukhang may iba ka namang minamahal. Kaya ayoko na lang.  Sinubukan kong iwasan ka. Pigilan ang sariling kausapin ka. Huwag pansinin ang maamo mong mukha, ang matamis mong ngiti, at ang mga salitang nagpapasaya sa akin bawat araw. Titiisin ko. Pero hanggang kailan?

Alam ko na mukhang malabo. Bakit ba kasi ako ang naunang makaramdam nito? Ang hirap ipahayag ng damdamin, lalo na at ramdam ko na hindi ito katulad ng sa’yo. Ngunit kahit gaano kahirap para sa akin, handa akong labanan ito. Pipilitin ang sariling alisin ang pagmamahal sa’yo. Uunahin ang mga bagay na magpapakita ng halaga ko. Magmamahal at maglilingkod ng tapat sa Diyos, dahil alam ko na ang pag-ibig na hinahanap ko ay hindi ako pahihirapan ng ganito. Ang pagmamahal na sa’yo ko ibinigay, ibibigay ko na ng buo sa Kaniya. Dahil alam kong Siya ang magdadala sakin sa pagmamahalang tunay na sa akin ay nakalaan.

Exit mobile version