Panghalip

Nilimot ang “Ikaw” para sa panandaliang “siya”

Sinuko ang “ATIN” para sa walang kasiguruhang “kami”

Hanggat sa nalito

Hanggat sa nahilo

Alin na nga ba ang dapat

Alin nga ba ang alin?

Hanggat nagkabalibaliktad ang mga panghalip

Hanggat nagkabalibaliktad ang dapat sinong unahin

Hindi na alam kung sino ang dapat na KAMI.

Hindi na alam kung alin ang dapat na TAYO.

O dapat nga bang may “KAMI” kung masasakripisyo ang “TAYO”

Sandali.

Sigaw ng pusong nakikipagtalo sa isip.

Sandali.

Hindi pala ito ganun kadali.

Nilimot ang “Ikaw”

Dahil akala’y mabubuo “niya”

Ibinaon ang pangako “Niya” at lumikha ng bagong “siya”

 

“siya”

 

Lumiit ang unahang letra ng dating salitang “Siya”

Nakakalito. Nakakahilo.

Bakit ko nga ba pinagpalit ang dating “TAYO”?

Alam ko ang ibig sabihin nitong mga panghalip

Ngunit bakit mali ang naging pagkagamit?

 

“Siya” o “siya”?

 

Hanggat sa isang gabi nagtanong “Siya”.

Kailangang mamili sa dalawa “Ako” nga ba o “siya”

Hindi pwedeng dalawa Malilito ka.

Kailangang mamili sa dalawa

“Ako” o “siya”

Hindi pwedeng dalawa, isusuko mo ang isa.

Kailangang mamili sa dalawa

Ang dating “KAMI” O ang panandaliang “siya”?

Kailangang mamili sa dalawa

Ang dating “KAMI” O ang walang kasiguruhang “siya”

Hanggat sa nasawa nang malito.

Hanggat sa tumigil na ang pagkahilo.

Babalik na ako sa dating “TAYO”

Babalik na sa dating “ako”

Babalik na Panginoon sa pagibig “Mo”.

Exit mobile version