Panibagong Pahina

Hawakan mo ang kaniyang mga kamay,
Pagmasdan mo ang mga mata niyang mapungay
Mga ngiting minsan mo lamang makita’t masilayan
Ingatan mo ang bawat pag hikbing hindi mo namamalayan.

Isang taong kausap at dinamayan,
Sa mga pagsubok na pilit na nalampasan.
Malubak man ang landas na tinahak at dinaanan,
Pagkakaibigan ay pinanday ng makapangyarihang lipunan.

Isang pananghalian na walang kasiguraduhan,
Sa kung paano kita lalapitan at pakikitunguhan.
Hindi lubos maisip na ito ang kahahantungan,
Ng pagkakaibigang nagsimula sa lansangan.

Tanungin mo siya ng madalas,
Kung ayos lamang siya at ano ang gustong ibulalas.
Huwag mong pangungunahan, sapagkat kakaiba’t matalas,
Ang mga pananalitang hindi niya gustong sabihin ng madalas.

Pagkaingatan mo siya, higit sa pagiingat ko,
Higitan mo ang pagmamahal na inilaan ko.
Huwag kang padadaig sa mga kakaibang kilos ko,
Ipakita mong mahal mo siya ng tapat at totoo.

Patnubayan nawa ng May Likha ang pagsasama ninyo,
Naway mag bunga ng maganda ang bagong kabanatang ito.
Huwag kang makakalimot sa taong minsa’y naging sayo,
Paalam kaibigan, hanggang sa muli nating pagtatagpo.

Published
Categorized as Poetry
Exit mobile version