Para sa aking sarili

Patawarin sana ako ng aking sarili sa mga pagkakataong dinadaya ko siya.

Sa mga pagkakataong mapapatulala at maiisip ka.

Patawarin sa mga pagkakataong napapatingin sa labas ng bintana, iniisip kung bakit hindi na lang ganoon kadali ang lahat.

Patawarin sa mga gabing ginagawa kong araw kakaisip sa kanya,

Patawarin sa mga umagang, nagkulong sa kuwarto dahil ikaw lang naman ang dahilan nang paglabas.

Patawarin sana ako ng aking sarili dahil pinangakuan ko siyang palalayain na,

mula sa mga lihim na ngiti, tagong mga titig, mumunting bulong sa hangin, at taimtim na mga dalangin mapa-sa akin ka lang.

Patawarin sa mga pagkakataong inililigaw ko siya gamit ang mga salitang, “Hindi ka na napapadapo sa isipan, pangako ‘yan.”

Humihingi ako ng kapatawaran sa aking sarili.

Para sa mga pandarayang pilit na itinanggi,

maramdaman lang ulit ang ligaya kahit sa mga alaala na lamang.

Patawarin sana ako ng aking sarili dahil minamahal pa rin kita,

at handa pa rin akong dayain ang sarili ko,

maramdaman ka lamang.

Exit mobile version