Para sa’yo na nagsabi sa akin ng hindi,
Gusto ko lang sabihin na salamat sa’yo,
Salamat sa’yo dahil sa paghindi mo,
Mas nakilala ko lalo ang sarili ko.
Inakala ko noon pareho ating damdamin,
Iyon pala ay ako lang ang umatim,
Akala ko noon ngiti mong matamis dahil sa akin,
Iyon pala sadyang mabait ka lang talaga sa akin.
Gusto kong iparating na hindi ako galit sa’yo,
Dahil sa totoo lang, napasaya mo naman ako,
Mga ilang panahon na kinilig ako sa’yo,
Para akong nakanood ng isang pelikulang romantiko.
Kaya sa’yo na nagsabi ng hindi,
Sa panahong puso ko’y ikaw ang itinangi,
Salamat muli ang nais sabihin,
Sapagkat dahil sa’yo ako’y naging matapang na binibini.
Sabihin man ng iba na ito ay mali,
Bilang babae, bakit ako umamin?
Sasabihin kong wala akong pagsisisi,
Kaysa naman hilong talilong ako sa isang tabi.
Hihintayin ko ang sinabi mo,
Na hangad mo ang bigay ng Panginoon,
Upang makasama ko sa buhay na ito
At magsasabing, “Oo, ikaw ang mahal ko.”
Dahil sinagot mo man ako ng hindi,
Alam kong hangad mo para sa akin ay mabuti,
Tulad rin ng hangad ko sa’yo,
Na makasama mo babaeng laan ng Diyos sa iyo.
Hindi ko ginawa ang tulang ito,
Upang sisihin ka’t ipagsigawan sa mundo,
Gusto ko lang naman na malaman mo,
Na hangad ko ang kaligayahan mo
At ako’y tuluyang nakaabante na sa’yo.
Kaya para sa’yo na nagsabi sa akin ng ‘hindi’,
Gusto kong magpasalamat muli sa’yo,
Dahil sa paghindi mo,
Mas nakilala ko pa ang sarili ko.