PARA SA TAONG MAMAHALIN KO AT MAMAHALIN DIN AKO

Ngayon pa lang, nagpapasalamat na ako sa’yo.

Alam ko, hindi ako madaling mahalin. Matagal na panahong ako’y mag-isa, siguro nasanay na, kaya hindi ko talaga alam kung paano magkaroon ng kasama, o kung paano magmahal at kung paano mahalin. Salamat, dahil sa dinami-dami ng taong nakilala ko, ikaw ang lumapit sa akin o ikaw ang nilapitan ko, para magbahagi ng sariling mundo. Hindi ako naniniwala sa love at first sight, pero n’ung nakita kita, ang sabi ko sa sarili ko, ‘tangina, sasaktan ako ng taong ito – pero mamahalin ko nang todo.

Hindi ko alam kung paano mo ako mamahalin, pero ‘pag dumating ‘yung oras na nakikita mong bigla na lang akong tumatahimik at nalulungkot sa isang tabi habang pinapanood ang papalubog na araw, ‘wag mo sana akong iiwanan. Madalas napa-praning ako, napapalayo ‘yung isip ko – paano kung huling pagkakataon na ‘yun na magkasama tayo? Paano kung masanay akong kasama ka tapos darating ‘yung panahong mawawala ka na? Makayanan ko kaya? Hangga’t maaari, ayoko sanang iasa ‘yung kaligayahan ko sa iba pero dahil mahal kita, alam ko – magigiba ang sarili ko ‘pag nawala ka. Malamang masasaktan ako. Pero ‘wag kang mag-alala, makakayanan ko. Sabi ko nga, nasanay na akong mag-isa.

May mga araw na hindi ako magpaparamdam – walang text, tawag, private message o kung anuman. ‘Yun ‘yung mga araw na inilalaan ko para sa sarili ko. Minsan kailangan kong mapag-isa, at alam kong kailangan mo rin. Sana maintindihan mo na kahit na mahal kita, hindi ko maibibigay lahat, kailangan kong magtira sa sarili ko kahit konti lang, kahit konti lang. ‘Wag mo sanang mamasamain.

May mga araw na kahit ako hindi ko maintindihan ‘yung sarili ko. Minsan iniisip ko, masiyado na tayong malapit sa isa’t isa, masiyado na tayong pamilyar, baka kailangan natin ng konting distansya. Baka kailangang andun pa rin ‘yung misteryo natin sa isa’t isa na gusto nating unti-unting nakikita gaya n’ung una tayong nagkakilala. At may mga araw din na pakiramdam ko, kahit magkasama tayo, parang ang layo-layo natin sa isa’t isa. Pero hindi kita itinataboy, sana ‘wag kang umalis.

Masiyado akong maraming iniisip. Sensitibo. Praning. Napapansin ko ‘yung mga maliliit na bagay – siguro dahil masiyado rin kitang papahalagahan. Hindi naman ako magiging gan’un, kung hindi ka mahalaga sa akin – ang totoo, natatakot lang akong mawala ka.

Malungkutin ako, ikaw ba naman ang mag-isa nang mahabang panahon. Kaya kapag magte-text ka sa akin – ‘Kumusta ang araw mo? Okay ka lang ba?’ Magkahalong lungkot at saya ang mararamdaman ko, dahil sa wakas, may mangangamusta sa akin nang totoo at tapat – ‘yung walang kasunod na hihilinging pabor. Sa wakas, may magtatanong sa akin, ‘Okay lang ba talaga ako?’

Hindi ako ma-text na tao, kaya ‘wag mo sana akong sasanayin. Dahil ‘pag dumating ‘yung araw na madalang ka nang magtext o magreply, mapapagod ako sa pagtatanong sa sarili – bakit? Anong mahirap sa pagte-text at pagre-reply, kung lagi mo namang hawak ang cellphone mo? Anong nangyari sa dati? Pero pipilitin ko pa ring intindihin ka. Pangako.

Kung may problema, sabihin mo. Hindi ‘yung kailangan kong manghula dahil napapagod ako, namamatay ako sa kakaisip kung bakit bigla na lang nagbago ang lahat. Sabihin mo, baka magawan ko ng paraan, at kung hindi na – maunawaan ko man lang.

Darating ‘yung araw na baka hindi mo na rin ako maintindihan. Magkakaroon tayo ng magkaibang punto para sa iisang bagay, malaki man o maliit – mag-aaway tayo. Pero ‘wag ka sanang susuko. Lahat naman ng relasyon o kung anuman ang gusto mong label sa ating samahan, dadaan at dadaan doon – kailangan lang maging matatag.

Hindi ko rin alam kung paano ka mahalin, ‘yun ang totoo. Baka nga sa iba, isipin nila makasarili ako. Ang alam ko, minsan lang ako magpahalaga sa isang tao – alam mo ‘yung pakiramdam na hindi ka sigurado pero susugal ka para sa pakiramdam na ‘yun. Oo alam ko, walang short cut sa pag-ibig, lahat talaga masasaktan – kaya pinipili ko talaga ‘yung taong mananakit sa akin, at ikaw ‘yun.

‘Pag dumating ‘yung araw na hindi mo na ako mahal, kahit masakit – sana sabihan mo ako. Hindi ko alam kung paano salubungin ang pamamaalam, pero sisikapin kong intindihin. Alam ko naman na hindi napipilit ang pag-ibig. Kung wala na ‘yung pagmamahal, may magagawa pa ba ako? Kung sa iba ka na masaya, mapipigilan ba kita? Mas dadamdamin ko kapag hindi mo ako sinabihan, ‘yung andyan ka pa pero unti-unti na palang nagpapaalam.

Darating ‘yung araw na tatanungin mo kung bakit lagi kong inaabangan ang paglubog ng araw. ‘Yung araw-araw na pamamaalam. Gusto kong matutunan kung paano yakapin ‘yung bawat pamamaalam na ‘yun. Hindi madali ang magpaalam lalo na sa taong mahal o minahal mo, o nais pa sanang mahalin. Ang ayoko sa lahat ‘yung tahimik na pamamaalam. At ayoko din nang biglaan. Minahal kita, deserve ko naman siguro ang paliwanag – kahit ‘yun lang, para naman matulungan ko ang sarili na makabalik sa umpisa.

At ngayon pa lang, nagpapasalamat na ako sa’yo. #

Exit mobile version