Siguro kung may kwento man tayo, ang ikli lang. “LOVE AT FIRST SIGHT” tapos The End na. Hindi ba’t hanggang tingin lang din naman ako?
Sana naman hindi na mauulit yung pag may minahal ako, ‘di ko na naman masabi na mahal ko yung tao at minahal ko siya. Yun bang lumipas na lamang ang maraming kahapon, hindi ko pa rin naisabing mahal ko siya. Hanggang sa may iba na namang dadating. Paulit-ulit nalang.
Pinapakita na nga kusa ng actions at mga efforts ko pero hindi niya naman nagi-gets. Ganun lang ba ka friendly yung tingin niya saken? Ganun lang ba kababaw yung naibibigay ko at di niya madama? Sa bagay, baka hindi lang talaga ako yung gusto niya. Gusto kong sabihin pero gusto ko munang ganito lang muna kami.
Oo, actions speak louder than words pero only when the intention is clear. Kunwari wala lang. Kunwari wala akong gusto sa kanya. Kunwari wala akong pake at okay lang ang lahat. Kunwari ako lang yung kaibigang palaging nasa tabi niya. Totoo, ‘friendly’ nga.
Kunwari, kalmado lang at wala lang ang lahat ng ginagawa niya pero sa totoo lang bumibilis yung tibok ng puso ko sa bawat ginagawa niya, sinasabi niya at kahit anong may patungkol sa kanya. Yung kusang hinihila ako papunta sa kanya sabay hinihila ko naman pabalik sarili ko at nang hindi ako tuluyang madapa. Nasa harapan niya lang ako at baka ang lapit ko lang talaga kaya hindi niya ako nakikita. Okay lang basta’t nakakasama ko siya, nasisilayan ko siya sa malapitan. Ang lakas ng sigaw ng aking puso’t isip na nagsasabing “MAHAL KITA” pero sa tuwing andiyan ka, nararamdaman kong mahal nga kita at yun lang yun.
Hanggang sa umabot nga sa panahon na masasanay na hanggang dito nalang talaga tayo. Naranasan niyo na bang sabay nasasaktan at nasisiyahan? Yung sa sobrang mahal mo yung tao, kaya mong ibigay lahat-lahat nang makakaya mong ibigay at tanggapin ang kahit ano lang na ibinibigay niya sa iyo? Sa sobrang mahal mo yung tao, okay lang na masaktan ka basta’t napapaligaya mo yung tao? Kasi sa totoo lang, pilit ko lang talagang kunin ang pinakamaliit na pagmamahal na makukuha ko sa kanya kahit na yun ay normal lang naman na kanyang ginagawa. Sadyang binibigyan lang talaga natin ng ibang kabuluhan ang kung ano-anong binibigay nila para maging swak sa kung anong gusto natin at hindi ang kung ano ang realidad.
Sa tagal-tagal at habang tumatagal ay patuloy mong mas lalong natatanggap na hindi ikaw ang para sa kanya. Hindi ka sapat sa kanya. Aalagaan mo nalang hanggang sa makuha niya yung hanap niya, yung makakapagpapasaya talaga sa kanya. Yung nahihigitan yung lahat ng pinagsamang binigay mo at hindi mo naibibigay sa isang ngiti lamang ng minamahal niya. Ganun talaga, mapagmahal tayong lahat eh. Mahal ko siya, mahal niya ay iba.
Sabi nila, pag ‘di ka mahal wag mo na daw ipagpilitan ang sarili mo sa taong mahal mo kung nasasaktan ka lang at hindi ka mahal. Ganun ba talaga yung nagmamahal ka? Kapag hindi ka minahal pabalik, puputulin mo na? Hindi mo na dapat mahalin yung tao? Mag antay ka lang daw at kusang dadating din sa tamang panahon ang tamang tao para sa’yo.
Mali bang magmahal ng maling tao kung ito’y nagpapaligaya naman sa’yo? Mali bang magmahal ng maling tao sa tamang paraan na alam mo? Oo, kay dami na ng mga taong nagtatanong sa’kin at sinasabihan ako ng anong dapat kong gawin. Tinitingnan akong parang tanga.
Pag nagmahal ako, mahal ko. Hindi na baleng may matatanggap man ako o wala, bulong ko sa aking sarili sabay sigaw naman ng damdaming, “Sana mahalin mo ako. Sana maging akin ka na. Sana ako na lang.” ganun talaga, wala akong magagawa. Ikaw yung nagmamay-ari ng puso mong pinakainiingatan kong para sa iba.
Minsan napapanaginipan kong na sa’yong piling, tanging pagkakataong ako ang iyong pinili. Ang saya-saya. Pero ba’t ganun? Akala ko wala na akong ibang hihilingin pa kung kasama na kita? Ano ‘tong nararamdaman kong takot at pangamba? Mapapasaya nga ba kita? Maibibigay ko nga ba ang pagmamahal na karapatdapat sa’yo? Siguro tama ka ngang hindi ako ang pinili mo.
Naranasan niyo na bang masanay sa sakit na binibigay ng minamahal niyo? Yung umabot na sa punto ng pagmamahal mo na marerealize mo nalang bigla na hindi na yung pagmamahal niya yung gusto mo at inaabangan mo kundi ang sakit na nakukuha mo sa sobrang pagmahal mo sa kanya. Pero okay lang, basta galing sa’yo tatanggapin ko. Wag kang mag aabalang suklian ng kahit wisik ng iyong pagmamahal ang di maubos ubos kong pagmamahal sa’yo. Dahil pag dumating ang araw na nasanay na ako sa sakit na tanging nagpapaligaya saken na bigay mo, ay mismong oras din na tatanggihan ko ang pagmamahal mo.
Wag kang mag-alala. Andito lang ako hanggang sa makuha mo yung taong minamahal mo na magpapaligaya sa’yo. At kung matagpuan mo na ang para sa’yo, minamahal pa din kita. Maligaya na akong makita kang maligaya. Sabi nila, ang pagmamahal ay isang sakripisyo, isang taya. Talo o panalo. Pero ayoko sa talo o panalo eh. Ayokong tumaya para malaman kung may pag-asa ba ako sa’yo. Yung taya ko ay yung buong sarili ko at handa akong ibigay sa’yo kung anumang maibibigay ko. Masaya akong napapasaya kita ngayon. Sana laging ganito. Wag kang mag-aalala, kakayanin kung magpigil para di matigil ang kahit anumang meron tayo ngayon.