Piliin Mo ang Nararapat

Minsan kailangan mong kumawala

Sa prosesong walang kasiguruhan

Sa taong walang kapasiyahan

Sa sitwasyong walang patutunguhan.

….

Ang mabuhay ay sadyang mahirap

Minsan madilim at matarik

Minsan naman payapa at maliwanag

Depende kung paano mo haharapin.

 

May mga tao kang madadaanan

Iba-ibang personalidad

Iba-ibang pag-uugali

Papakisamahan, ngunit dapat munang kilalanin.

 

May mga tao na handa kang mahalin

Anuman ang ‘yong ugali

Panlabas, panloob, maganda man o pangit

Handang tiisin, kayang tanggapin.

 

May mga tao ding dumaraan upang tingnan ka

Tinitingnan ang bawat mong galaw

Binabantayan bawat kamalian

Upang sa huli ikaw ay husgahan.

 

May mga taong magaling magsalita

Akala mo minamahal ka

Maraming sinasambit, matatamis na wika

Sa huli, iiwanan ka din pala, pipili ng iba.

 

Salamat dahil may mga taong totoo

Handang makinig sa sakit ng loob mo

Sila yung mga taong nakakakilala sayo

Nang higit pa sa sarili mo.

 

Salamat dahil may Diyos na nakakakilala sayo

Kilala ang buo mong pagkatao

Na sa iyong pagkalugmok

Laging handang sumaklolo.

….

Sa pagharap mo sa mundo

Ito sana ang tandaan mo

Hindi lahat maiintindihan ang kwento mo

Hindi lahat makikinig sayo.

 

Piliin mo lang ay yung totoo

Yung subok na ang pagsasama niyo

Upang sa huli ay di ka manlumo

Hindi ka madedehado.

 

Higit sa lahat kailangan mong sumangga

Sa Panginoon mong Tagapagligtas

Na magtuturo sayo ng daang nararapat

Patungo sa taong karapat-dapat.

Exit mobile version