Sa aking pag iisa, Natutunan na maging masaya

Sa aking huling minahal, sa noo’y sinta
Hanggang kailan ika’y aking maaalala
Hindi ma-ikaila ang saya,
Mga araw na naging kanlungan ka

Pintado sa akin, mga iniwang salita
Sa mga sandaling masaya, pati na mga araw ng pagluha
Ngunit bakit ganon, ang hirap pakawalan
Akala ko kaya ko na, hindi pa rin pala

Natatakot iparating, mga itinagong hinaing
Di alam kung kakayanin, natakot na paulit-ulit na durugin
Puso mong iyong inihain, di binigyang pansin
Ngayon ako naman ang kinakain, pagluluksa na kay talim

Sana iyong mabatid, walang nagbago sa pagibig
Piniling ikaw ay hayaan, puso mong di ko na mapatahan

Hindi ako karapat dapat, puso kong tamad sa paglaban
Walang pagod na pagsinta, sa iyo ay nararapat

Ang nais ko lang sabihin, sapat ka kung ako ang tatanungin
Kung may pagkukulang man, ako dapat ang sisihin
Kung maibabalik lamang, mga panahong nawala
Nagkamali ako, hindi sana nagpabaya

Patawarin mo sana, mga aking pag-aasta
Nagmistulang pakialam ay wala na, mali ka ng akala
Nasasaktan sa bawat araw, na dinadaan daanan ka
Ngunit ayoko na sirain, pagmamahalan na sa inyo ay nagsisimula na

Kung papayagan lamang, manatili sa iyong tabi
Kasama ang nagiisang binhi, dahilan ng patuloy kong ngiti
Kahit tahimik na ang hangin, mananatili sa iyong tabi
Hindi alintana kung habang buhay, ay di mo pansinin

Ngunit huli na ang lahat, huli na ang lahat
Mga bagay na nalaman, naramdaman at nakita
Kung mata ang sukatan, ano pa ang laban?
Sa iyong pag alpas, tanggap na hindi na ako ang kailangan

Iiwan kong nakatali, napatid nating duyan
At kung iyong ikasasaya, ako’y magpaparaya
At sana’y wag kalimutan, hindi man naipakita sa gawa
Minahal kita sa abot ng makakaya, at mamahalin ka hanggang ako ay pumayapa

Magkita man muli, mailap nating mga mata
Masasabing ang dating atin, hinayaan ng tadhana
Upang ang pusong kulang sa timpla
Magkaron ng tapang at sumagana
Dumating man ang araw, na ika’y maglayag na
Sa aking pag iisa, natutunan na maging masaya

Salamat sa aral, ngayon alam ko na
Pagkukulang ko sayo, sa kanya ko pupunuan
Itinuro mo saken ang salitang “Mahal kita”
Salitang ngayo’y handa na muling ibigkas para sa iba

Oras na ang nagdala, pareho na tayong nakalaya
Sa panay na gunita, noong tayo ay magkasama
Hayaan mong ang puso, lumipad hanggang sa mga tala
Pinayagan ng tadhana, ikaw ay di lamang para sa lupa

Sa dami ng talata, na hindi ko na naisulat
Mga nakimkim na hiwaga, aabutin ng libong pahina
Sa aking una at huling sulat, aking pahimakas,
Sa noo’y sinta at pinakamamahal

Exit mobile version