Sa Aking Una

Oo, tama nga ang nabasa mo.
Ikaw. Ikaw ang una ko. Ang una kong pag-ibig.


Di ko na namalayan. Puso'y di na napigilan.
Umibig na pala nang tuluyan.


Hindi ko binalak. Hindi ko ninais. Na mahulog ako sayo.
Akala ko ay kaya ko. Akala ko ay matapang ako.


Sa totoo lang ay marami na. Mga taong sa aki'y nagpahanga.
Kaya nasabi ko sa sarili ko, "Ah, normal lang ito"


Pero huli na ang lahat. Ang puso ay di na naawat.
Damdamin ay naipon, ang hirap, ang bigat.


Sinubukan kong itama ang nararamdaman.
Sinubukan kong ito'y talikuran.


Ngunit lalong nagulo.
Pati isipan ay litong lito.


Hindi ko inasahan. Nang tayo'y naging magkaibigan.
Hindi sadya. Tadhana ang nagtakda.


Hindi ikaw ang tipo ko. Sa unang tingin ay di agaw pansin.
Nagulat lang ako, nang minsa'y mapatingin sa mata mo.


Mga titig na nagungusap. Sa iyong tingin ako'y nahumaling.
Saka ko lang napansin, ningning ng mata mong natatago sa'yong salamin


Hindi ko alam, pero tila sa akin ikaw ay may paghanga
Napansin ko ang mga sulyap mo at kilos kapag nakita tayo ng barkada mo


Wala lang naman. Nag-assume na naman ako.
Kaya ayun, natuluyan na ako


Ang hilig ko sa ganito, tila di na ako natuto
Nahuhulog sa taong di ako gusto


Pero. Pero. Pero. Kasalanan mo.
Kasi pinaramdam mo. Na gusto mo ako


Binuwag mo. Ang pader sa puso ko.
Kaya't nakapasok ka at sa puso ko'y nanahan na.


Oo. Oo. Oo na. Kasalanan ko rin.
Kasi pinaramdam ko. Na gusto rin kita.


Kaya't pasensya ka na dahil naguguluhan na ako.
Gusto kong umamin pero ayokong masaktan.


Gusto kita. Pero di ko sasabihin.
Pero ang kilos ko ang umaamin.


Ayoko na. Ayoko ng ganito.
Pakiusap lang. Bakit ba di ka mawala sa isip ko?


Patawad. Dahil di ko napigilan ang puso ko.
Patawad. Dahil lalayo muna ako.


Kailangan ko munang ayusin, takbo ng isip at damdamin.
Baka sa paglayo ko, mahanap ko muli ang sarili ko.


Kaya paalam muna, sa aking una.
Paalam, dahil mahal na kita.

 

Exit mobile version