SA KARAGATAN NG MGA ULAP

Sa pagpapatuloy ng pag-iwan nya sayo sa kanto…

 

Sa karagatan ng mga ulap hinayaan kong malunod ang aking puso
Pusong pira-piraso, sugat-sugat, duguan at halos wala ng pulso
Na sa bawat pagduyan ng mga ulap sa likod kong namamanhid at naaanod ng mga ligaw na hanging nakakahilo
Pero bakit ganun? bakit parang mas maigi pa yatang sa ulap mananatili kaysa dumilat at gumising sa kalupitan ng mundo?

Naaalala mo pa ba mahal ang una nating pagkikita?
Ang sandaling pagtigil ng mga oras at tadhana?
Ang bigla kong paghawak sa aking dibdib at paghabol ng aking hininga,
Na tila yata malalagot sa aking labis na pagkamangha
Sa taglay mong kakaiba at angkin mong mahika
Na biglang gumulo sa aking mundo na dati ay payapa?

Mahal pakiramdam ko naglalakad ako sa ulap
‘nong nakita kitang papalapit na nakangiti at may mga bulaklak kang hawak
Nakapikit kong inihanda ang aking loob na tila sasabog na sa galak
Ngunit nakalampas ka na sa aking harapan ng mga mata ko’y aking idinilat.

Akala ko mahal sa kanto mo lang ako kayang iwanan
Ngunit hindi ko naisip na pati sa ere kaya mo akong pakawalan at bitawan
Ayaw mo na ba talagang ituloy ang pag-ibig na ating nasimulan?
Sa kung papaanong ikaw, ako at ang ating pagmamahalan
Ang siyang tanging mahalaga sa payak nating nakaraan,
Pero bakit ganun ka mahal? bakit ang bilis mong lumisan?

Pero alam ko mahal sa pagdating ng tamang panahon
Sa karagatan ng ulap na ito ako’y tuluyang makaahon
Ang bawat sugat at latay sa puso ko ay tuluyang maghilom
At sa kapangyarihang taglay ng tunay na pag-ibig ako manganganlong…

Exit mobile version