Masusuring sa pag-urong ng sistemang kapitalismo, na pinapamayagpag ng imperyalismo sa mukha ng neoliberalismo, ay lumulubha ang pagiging kalakal ng kababaihan. Sa ganang ang dakilang mamimili ay ang tagapag-mandila ng patriyarkal na kultura, ang kalalakihan at ang naghaharing uri. Masasabing ang mga kababaihan ay mga bagay na ginagawang pabalat sa kahon ng sabong bareta o pampaganda. Sila’y tinataguring dakilang katulong o ‘di kaya’y isang makinis na dekorasyon.
Kaya’t sa lipunang makauri, ang mga kababaihan ay napagsasamantalahan sa dalawang mukha, ang kaniyang uri at kasarian. Sila’y mga alipin ng industriya at walang labang laruang pangkama. Tila ba sukdulang binubura ang tunay na halaga ng babae sa lipunan, bilang tagapaglikha ng kasaysayan at kapares ng kalalakihan sa pagbuhat ng kalawakan. Sadyang ginamit si Maria Clara, Hule, Sisa at Magdalena para itatak sa isipan ng masa na sila’y mga pangkama, mahina at puta. Sinisikil ng estado at ng naghaharing uri ang makabayang pagalpas ng mga babaeng palaban at piniling sundan ang marahas na digmaan para sa pagpapalaya ng kanilang uri’t kasarian. Yaong mga kababaihang ito’y sina Gabriela Silang, Tandang Sora, Maria Lorena Barrios at ang lumalawak na Malayang Kilusan ng Bagong Kababaihan.
Hindi natin masasabing tapos na ang laban dahil ang Pilipinas ay nagkamit na ng kalayaan, pagkat sa ilalim ng mapanikil na sistema, sadyang mahaba lamang ang iyong tanikalang dala. Paano magagamit ang kalayaan kung hindi naman ito nakakamit pa ng kawawang sambayanan, lalo na ng kababaihan? Kaya’t ang pagkamit nito’y sadyang sa pag-agaw lamang ng kalayaan upang wakasan ang lahat ng kaapihan at pagsasamantala. ‘Pagkat ang paglaya ng mga uri’y paglaya ng kasarian, kaya mga babae ang iyong lugar ay hindi sa kahon ng sabon kundi sa landas tungo sa pagbabagong lipunan.
photo credits from Bulatlat