Bakit ka magbabasa ng libro kung hindi mo intensyon na basahin hanggang dulo?
Bakit ka aakyat sa entablado kung hindi mo kayang humarap sa mga tao?
Bakit ka hihiling ng bagyo kung hindi mo kayang sumalo?
Bakit ka magbibigay ng motibo kung hindi ka pa naman sigurado?
Ilang beses nang muntik magpadala sa mga biro mo.
“Tayo na lang kaya?” Sabi mo. Hindi ko alam kung nagbibiro ka ba o seryoso.
Ayokong ibaba ang mataas na pader na naitayo ko na sa paligid ko.
Ayokong magpadala sa bawat banat na binibitawan mo.
Pasensya na ‘pagkat nag-iingat lang ako. Ayokong masaktan kapag umasa ako.
Umasa na baka totoo ang mga salitang sinasabi mo na halos ikatunaw na ng puso ko.
Sa bawat ngiti na hindi mapigilang gumuhit sa aking mga labi sa tuwing kausap ka’y may nakatagong kaba
na paano kung lahat ng ito’y biro lang pala?
Bakit ba hindi mabigyang linaw ang puso kong naliligaw?
Bakit ba nag-uumapaw ang pusong ikaw ang sinisigaw?
Nahihilo, nalilito. Hindi ko kasi alam kung nasaan ako sa’yo.
Kung aawitin ko ito sa harap mo, pakikinggan mo kaya ako?
Para naman tayong sundalong sumugod sa gyera nang walang dalang armas
Hindi naman tayo mga estudyanteng nasa mababang antas
Kung maaari lang akong magpatupad ng batas,
Nais kong ikaw at ako hanggang sa wakas
Ngunit ano na nga ba itong daan na nilalakaran ko?
Naroon ka ba sa dulo upang hintayin ako o naglalakad lamang ako nang hindi alam kung saan patungo ito?
Bakit hindi na lang kaya sabayan mo ako? Upang kung maligaw man ako, kamay mo naman ang hawak ko.
Kaya naman kailangan kong pigilan ang nadarama hanggang sa sigurado na
Ayokong umasa at magmukhang tanga kasi paano kung wala naman pala?
Kaya uupo na lang muna ako at hihinga
Saka na lang, kapag sigurado na
‘Wag ka munang magsalita at nang hindi ako madala
‘Wag ka munang magpadama nang hindi ko pa dapat madama
‘Wag ka munang magsimula nang hindi muna ako umasa
Saka na, kapag sigurado na.