Salamat sa Panandaliang Saya

Salamat.

Salamat sa kaligayahang binigay mo sa’kin sa napakaisking panahon na meron tayo. Yung kaligayahan na hindi ko makakalimutan kung paano mo’ko pinasaya sa sarili mong paraan, kung paano mo hinulma ang isang malawak na ngiti sa aking itsura dahil sa mga salitang matatamis na binitawan mo, at kung paano mo ako iniligtas sa mga oras ng kalungkutan tuwing gabi bago pumikit ang aking mga mata.

Salamat sa mga oras na ginugol mo sa’kin. Sobrang iksi ng panahon na nagkasama tayo, halos kalahati ng araw mo sa’kin mo binibigay, at labis akong nagpapasalamat sa’yo dahil d’on. Mula sa umagang pagbati mo tuwing pagdilat ko ng mata, hanggang gabi na kung saan nag-aalab ang dalawang pusong nagmamahalan. Iba ang pakiramdam ‘pag naiisip kong tayong dalawa nalang ang gising, kasama ang buwan at mga bituin na kumikinang sa madilim na himpapawid.

Salamat kasi tinanggap mo ang aking buong pagkatao at kung sino ba talaga ako. Kahit napakaiski ng panahon nating dalawa, kinilala mo ako nang lubos at hindi man lang nagbago ang tingin mo sa’kin. No’ng nalaman mong napipikon ako kaagad sa mga bagay-bagay, nagagawa mo akong pikunin kasi ikinatutuwa mo naman, pero hindi ako nainis o nagalit sa’yo dahil alam kong pinapakita mo lamang sa’kin kung gaano mo ako na-a-appreciate kung “sino” ba talaga ako. No’ng nalaman mong iyakin pala ako sa mga maliliit na bagay, ginagawa mo ang makakaya mo para tumahan na’ko, magkalayo man tayo o magkasama.

Pero sa lahat ng bagay na ito, isa pa rin ang pasasalamatan ko sa’yo ng lubos.

Salamat sa pagmamahal na binigay mo sa’kin. Yung pagmamahal na alam kong totoo at mula sa puso, na alam kong mula palang sa mga salitang binibitawan mo, sa mga kilos at effort na ginagawa mo, sobrang linaw ng mga ‘yon na mas malinaw pa sa tubig.

At higit sa lahat…

Nagpapasalamat ako sa Diyos dahil pinagtagpo niya tayo kahit ‘di tayo itinadhana para sa isa’t isa. Dinangal ko ang matagal ko nang dinadangal sa Kanya, natugunan niya ito pero naniniwala ako na may maganda siyang plano para sa’ting dalawa–at ‘yon ang pakawalan na kita, hangga’t maaga pa para hindi na tayo pareho mahihirapan. Alam Niya kung bakit niya tayo pinagtagpo, para mas makilala pa natin ang mga sarili. Nagkrus man ang ating landas, pero sadyang nasa maling oras, panahon, at lugar lang tayo nagkatagpo. Naniniwala din ako na may iba pang rason kung bakit Niya tayo pinagsama sa sandaling panahon. Pero, hindi ko pa rin masasabi kung kailan tayo magkikita muli. Siya na ang bahala sa’ting dalawa.

Kaya, salamat sa panandaliang saya.

Published
Categorized as Move On

By Tin

Alexithymia is unable to express feelings or emotions. Now that I have the chance to express my true feelings, I'm going to break these barriers by sharing my own thoughts, feelings, and emotions.

Exit mobile version