Sana.. maari pang bumalik sa panahong hindi mo sya nakikilala. Nung nagsisimula ka palang sa pagbuo ng iyong mga pangarap. Tanging pag-aaral lang ang nasa iyong isipan. Gabay at pangaral nila ang iyong pinapakinggan.
Sana.. nakinig ka sa kanilang mga sinasabi. Dahil lahat ng iyon ay para sa iyo lang din. Ngunit nung dumating sya’y nag-iba ang ihip ng hangin. Mga paalala nila ay iyong isinantabi. Na bugso ng damdamin ay piliin ninyong pigilin.
Sana.. ginawa mo ang gusto nila. Na sa iyong pag-aaral ay wag magpabaya. Ngunit nasa iyong isipan ay wala silang tiwala. Sinasagot sila ng pabalang, “Hindi komot nagboyfriend, nasa isipan agad ay pag-aasawa.”
Sana.. inisip mong mabuti. Na sila ay pabalik na at kayo ay papunta pa lamang. Natutong tumakas, magsinungaling, lumayo, kausapin man sila ay dumalang. Ipinaglaban ang pagmamahalang, sarili lamang ang nakakalamang.
Sana.. hindi mo hinayaan, na ang buong mundo mo’y umikot sa kanya lamang. Mahal ka nya, mahal mo sya ngunit may tamang oras nga na nakalaan. Ngayon ay nahihirapan, gulong gulo ang isipan. Habang nakatingala sa ulap, habang hawak ang iyong sinapupunan.
Sana.. makaya mo. Ang mga kahihinatnan ng mga desisyon nyo. At maibalik ang tiwala nila na nasira mo. Pangarap at damdamin nila ay kinalimutan mo. At ang laging sinasambit ay, “Sana ako ay mapatawad nyo. Totoo nga na sa bandang huli ay pagsisisihan ko.”