Sugal

Kaya mo bang tawirin ang mundo kong madilim
Hindi biro ang landas na iyong tatahakin
Samu’t saring unos ang pwede mong maengkwentro

Kaya mo bang sa gabi’y patahimikin ang aking isip
Sanhi ito ng aking hindi pagtulog
Iba’t ibang alaala ang kumakatok
Tulungan mo sanang kahit ako’y maka idlip

Kaya mo bang damdamin ko’y muling buhayin
Matagal na itong namahinga
Tila ba nawalan na ng gana

Kaya mo bang panindigan ang iyong mga pangako
Ang mga pader ko’y pinatibay na kasi ng mga pako mula sa mga taong walang ginawa kundi sirain ang kanilang pangako
Mas mataas na ito kaysa sa dati
Ang loob ay walang ibang kulay kundi itim at puti
Kaya mo bang bigyang kulay itong muli

Nais ko lang sanang ika’y mag-ingat kung mapagpasyahan mo itong tahakin
Maaari kang mahirapan
Maaaring wala kang mapala
Maaaring hindi mo kayanin
Wag mo sabihing hindi kita binigyan ng babala
Sa una pa lamang ikaw ay agad nang inalala

Sa madilim na mundo at mataas na pader kong ito
Nais ko lamang ng kapiling sa tuwing ang isipan ko’y walang tigil sa pag alala ng nakaraan
Nais ko lamang ng kasama sa malulungkot kong gabi, isang taong hindi aalis sa aking tabi

At kung kayanin mo man na makapasok sa aking mundo
Ang hiling ko lang ay tulungan mo akong mabuo ang aking sarili habang ito’y tinatahak ko kasama ka

Alam kong ‘di madali ang desisyong pinili pero ito ako pinipili pa rin ang tayo
Hindi man sigurado kung mayroon ngang tayo
Hindi man sigurado kung anong inihanda sa atin ng mundo
Hindi man sigurado kung handa na nga bang sumubok ng bago

Ngunit pinapangako ko,
Handa akong sumugal
Ikaw ba, handa kang manatili hanggang dulo?

Exit mobile version