Tatanggapin kita kapag napatawad ko na ang sarili ko.
Tatanggapin kita kapag malaya na ako mula sa takot at inis na laging kaakibat ng ganitong konsepto ng relasyon.
Kapag hindi na lamang puro pagdududa ang makikita mo sa aking mga mata tuwing may nais kang iparating sa puso kong pilit kong isinasara.
Kapag ako na mismo ang tumigil sa patuloy na pagbuo ng mga nagtataasang pader na ginawa kong panangga mula sa mga pananakit ng realidad ng buhay at bagkus, ay tulay na ang aking bubuuin mula pira-pirasong mga bato ng tapang na aking inipon para lamang sumugal muli.
At kapag nabuo ko nang muli ang aking sarili at sapat na ang tapang na aking naipon… Marahil ay matatanggap na kita.
Sa tagal nang umiiral nitong labanan sa pagitan ng malakas na pwersa ng takot sa aking pagkatao at natitirang tapang na gusto ko pang isugal, isa lamang ang natutunan ko.
Matatanggap lamang kita kapag kaya ko nang tanggapin ang sarili ko. Matatanggap lamang kita kapag malaya na ako.
Dahil ginoo, gusto kong ilaan ang natitira kong tapang para ipaglaban ka mula sa mas nananaig na takot sa puso ko.
Ginoo, susugal akong muli para sa’yo.