TGTGA- The Girl That God Allowed

Third year college ako ng may gamitin si Lord para makapagbalik-loob ako sa Kanya. Mahabang kwento pero isa lang ang masasabi ko “God is so great!”. Sa simula naging mahirap sa akin ang bumalik agad sa Kanya parang isang napakahaba at napakagulong paglalakbay. To make the long story long, nagdesisyon akong magbalik-loob … muling sumunod. Tinanggap ko muli si Hesus bilang aking Panginoon at Tagapagligtas ng aking buhay. Nag-undergo ulit ako ng proseso sa simbahan hanggang sa unti-unting naging maayos ulit ang takbo ng aking isip.

Muling luminaw ang direksyon. Ano ang kinalaman nito sa love story ko? Sa bawat paghakbang ko pabalik sa Diyos nandun siya, TGTGA: The Woman That God Allowed. Nasa iisang unibersidad kami nag-aaral … same course. Nakita niya na ako sa worst point of my life as a person. Hindi ko naman akalain na yung worst point na yun ang gagamitin ni Lord para makilala ko siya nang malapitan, personal. Bakit nang malapitan at personal? Kasi nakita ko na siya wayback third year high school ako sa isang Encounter God Retreat. Sa dinarami-raming taong nakasalamuha ko roon, siya lang ang namumukod tanging naalala ko. Inimbitahan ako ng kaklase ko na umattend sa cellgroup at doon ko siya muling nakita. Noong una nahihiya, naiilang dahil alam ko na alam niyang may ginawa akong hindi kanais-nais, nakasakit ng damdamin ng iba. After that meeting, maraming beses niya akong inimbitahan na umattend sa simbahan nila at maraming beses ko rin siyang di-necline.

Up to the point na parang inaaway na niya ako sa phone dahil nagmumukha na akong atheist sa mga isinasagot ko sa kanya. YES! I blamed God dahil sa mga nangyari sa akin. Hindi siya tumigil na imbitahan ako, hanggang sa nakapagdesisyon akong umattend dahil nadisgrasya tatay ko. That Sunday, I thought it was just the beginning of my love story again to God, Nagkamali ako dahil ang Sunday na pala na iyon, sinimulan na rin ni Lord ang istorya naming dalawa. Naging magkaibigan kami, nagkukuwentuhan, tawanan. Nagpaturo akong maggitara. Sa awa ng Diyos natuto ng kaunti at magpasahanggang ngayon ay nagagamit pa rin sa pagpuri sa Diyos. Nagtuloy-tuloy nang ganoon ang naging set up namin hanggang sa dumating yung buwan na malapit na akong grumadweyt sa college. Mahigpit na itinanim ng simbahan sa puso at isip namin na BAWAL PUMASOK SA PAKIKIPAGRELASYON HABANG NAG-AARAL PA. Sinunod ko ‘yon.

Pero noong gradWAITING na ako, nagsimula na ang mga REVELATIONS ni Lord, nagdasal ako sa kanya, “Lord, malapit na po akong grumadweyt baka po pwede na akong magdasal ng babaeng pwede kong makarelasyon. Gusto ko po yung nasa music ministry, marunong kumanta at mag-piano.” Alam ni Lord na nasa ibang simbahan ang babaeng gusto ko. Guess what kung anong nangyari habang nagdarasal ako, ipinakita ni Lord ang mukha ng Mahal ko (ngayon at magpakailanmang ), Ipinakita niya sa napakalinaw na paraan, kung paano siya kumanta at tumugtog ng piano . Ang sabi ko, “Lord bakit po?” Syempre hindi ko sinabi sa kanya ‘yon. Nagpatuloy lang ako. Hinahatid ko siya palagi sa bahay nila. Tinitiyak ko na nakakauwi siya ng ligtas. Bakit ko ginagawa ‘yon? Simple lang, sinabi ni Lord. Ito ang sinabi Niya sa isip ko noong gabing kami ay magkahiwalay na naglalakad, “Ingatan mo siya gaya ng pag-iingat mo sa nanay at kapatid mong babae.” SImula noon hanggang ngayon pinagsusumikapan kong matupad ‘yon. Febuary 27, 2017, ang pinakamahabang gabi sa tala ng aking buhay.

Kinausap kami ng mga magulang niya sa harap ng kanyang bunsong kapatid tungkol sa amin. That was the first time na nakipag-usap ako sa harap ng mga magulang ng babaeng nililigawan ko. Hindi ko makakalimutan iyon para akong nasa hot seat. Ang nag-iisang tanong ng Mommy niya na hinding-hindi ko makakalimutan, “PAKAKASALAN MO BA ANG ANAK KO? DAHIL KUNG HINDI WAG NIYO NANG ITULOY ANG BINABALAK MO. Hindi ko siya pri-ni-serve ng maraming taon para sa boyfriend-girlfriend relationship.” Kinabahan ako. Pero desidido kong sinagot ng, “Opo.”. Sa haba ng aming pag-uusap inabot kami ng madaling araw, pero ano ang kinahantungan? Sinagot ako ni Mahal sa harap ng mga magulang at kapatid niya! Hallelujah! February 28, 2017, God officially opened the new chapter of our life.

Pinatunayan ng Diyos na tanging Siya lamang ang nakakaalam kung bakit Niya tayo hinahayaang dumaan sa iba’t ibang sitwasyon ng buhay pero kung iisipin, isa lang naman talaga ang destinasyon ng lahat ng iyon —– sa Kanyang mga pangako. Kailangan lang nating gawin ay sumunod, magdasal at manamapalataya. Malay mo, ang TURNING POINT na magdadala sayo sa tamang tao. Hindi man siya ang taong gusto mo but he/she will be The Man/Woman That God Allowed. Tandaan: Kapag ang gusto mo ang sinusunod mo madalas nasasaktan ka, pero kapag ang gusto ni Lord ang susundin mo tiyak na sasaya ka.

 

P.S. Yung nasulat ng TOTGA, she’s my TGTA 

Published
Categorized as Waiting

By John Rey

I'm a teacher, discipler, and a follower of a Jesus Christ

Exit mobile version