Tuloy ang buhay

Alam ko, Kaibigan.

Alam ko na masakit ang maiwan.

Alam ko na masakit ang maloko.

Alam ko na masakit ang maisantabi.

Ang hindi mapahalagahan.

Ang hindi mapili.

Ang hindi mauna.

Masakit ang hindi mahalin.

Ng taong pilit mong binubuhusan ng pagmamahal.

Alam ko.

Masakit tanggapin na kahit anong sabi natin na,

“Sana huli na to.”

parang hindi nakikiayon sa atin ang mundo.

“Pang ilang move-on ko na ba to?”

“Pang ilang katangahan ko na ba to?”

“Ilang beses pa ba kong mag-mamahal ng maling tao?”

“Kelan ba ako ang magiging tama para sa taong mahal ko?”

Kelan yung panahon na ako ang mapipili?”

“Kelan ako magiging sapat?”

“Kelan ko mararanasan ang hindi ipagpilitan ang sarili ko?”

“Kailan ko mararanasan na ako naman ang mahalin ng totoo?”

Alam ko.

Hindi ko man alam ang lahat ng detalye ng nangyari sayo,

alam ko na sakit at pait ang nararamdaman mo.

Alam ko na ang higaan at unan mo sa gabi

ang saksi sa bawat luhang pinapatak ng iyong mga mata.

Alam ko na lagi mong hinahanap kung san ka nag-kulang.

Dahil handa ka naman at gusto mong punan ang lahat ng puwang.

Ngunit di umaayon ang lahat sa gusto natin.

Wala kang magawa kundi ang manalangin.

Nagtatanong sa Diyos, sa buwan, bituin at hangin.

“Bakit hindi ako kanya, at hindi siya akin?”

Tinatanong ang sarili habang naglalakad papuntang kung saan,

Kung ano pa yung maaari mo sanang nagawa.

Kung ano yung dapat mong itama.

Kung ano yung pwede mo pang ilaban.

O kung dapat mo na ba talagang iwan at kalimutan.

Kaibigan.

Alam ko.

Hindi ko man alam ang sagot sa lahat ng tanong mo.

Pero isa lang ang masisigurado ko sayo.

Tuloy ang buhay, Kaibigan.

Dahil hindi naman ito ang katapusan.

Dahil ang lahat ng aral ng nakaraan ay maaaring baunin sa kinabukasan.

Na hindi man ikaw ang piliin at ipaglaban,

May kinabukasan ka na dapat mong asahan.

Kailangan mo lang matandaan.

Na ang Diyos ay malapit sa pusong sugatan.

At nililigtas ang mga gaya nating nilamon na ng nararamdaman.

Na lahat ng bigat, sakit at pait,

ay maaari nating ilapag sa kanyang paanan.

Na kaya Niya tayong ayusin muli.

Upang maging handang umibig ulit.

Wag na wag mong kakalimutan, Kaibigan.

Na may nag-mamahal sayo.

Mahal ka ng Diyos na lumikha ng lahat ng nandito sa mundo.

At hinahanda Niya yung taong sagot sa mga tanong mo.

Kung bakit hindi dapat yung nagdudulot ng sakit sayo ngayon.

Kung bakit hindi dapat yung mga maling taong minahal mo noon.

Kung bakit kailangan mong madaanan ang lahat ng hirap at sakit.

At kung bakit nandito ka pa kahit gusto mo nang tapusin ang lahat ng pait.

Tuloy ang buhay, Kaibigan.

Laban.

May kinabukasan pang naghihintay sayo.

At sa taong dadalhin ng Diyos para sayo.

By Jo-Ar Merano

@pangamoreeeFollower of Christ.Heart for Japan.

Exit mobile version