UMPISA

Ang tunay na pag-ibig ay marunong magpaalam.

Akala ko dati, kapag mahal mo ay kailangan mong ipaglaban. Kapag mahal mo ay hindi mo kailangang bitawan. Na kapag mahal mo, kailangan mong manatili kahit ano mang sakit. Kahit ano pang pait.

Akala ko dati, kapag totoo ay hindi na pwedeng maging laro. Kapag totoo, lahat ay tunay kaya’t hindi dapat maging tuliro. Na dahil totoo, wala nang dapat ipangamba sapagkat wala namang nakalatag na biro. Na ligtas na ang puso.

Akala ko dati, kapag buo ang tiwala ay wala nang dapat ipangamba. Kapag may tiwala ay wala nang makasisira. Na dahil pareho kayong naniniwala na sapat na ang pagmamahal na alay, ibig sabihin ay hindi na kayo maghihiwalay.

Pero ngayon, ngayon ko napagtanto na kapag dumating ang tunay na pag-ibig, lahat nang inisip na akala ay pwede pang magbago. Dahil mali pala. Dahil hindi pala tama.

Dahil,

Ang tunay na pag-ibig ay nangangahulugang pagglaban ng mag-isa para sa ikasasaya ng iba. Ang pagbitaw ng kamay para sa kanyang bagong makakapitan. Ang pagkadurog para sa kanyang ikabubuo. Ang pagkawasak para kanyang panibagong yugto.

Na ang katotohanan ay hindi biro ngunit masahol pa sa laro. Pipilitin kang mamili sa pagitan ng tama at mali. Tamang magbubunga ng masama, habang mali namang sa kanya’y makakabuti. Na kahit mapanganib para sa sakit, pipiliin mo kung anong dapat. At ito ay ang maging masaya siya ngunit hindi ka na kasama.

At dahil buo ang iyong tiwala, kailangan mong magparaya. Na dahil ikaw ay nagtitiwala at naniniwala, kailangan mong tanggaping siya ay nakatadhana sa ibang bagay na kailanma’y hindi mo mahihigitan. Na kahit ang kalawakan ay hindi kayang tuldukan. Na kahit ano man ay hindi matatapatan.

At kapag dumating ang pag-ibig na makapagpapabago ng mga unang akala, saka mo maiisip ang halaga ng mga nawala.

Katulad ng,

Hindi na mahalaga kung hindi ko na hawak ang iyong damdamin, ang mahalaga ay minsan kang naging akin.

Hindi na mahalaga kung dulo natin ay wala, kung pwede ko namang ilagay ang tuldok sa gitna.

Hindi na mahalaga kung kailan at paano natapos, ang mahalaga ay tanda ko ang umpisa.

Dahil sa bawat pagbawi ng tadhana sa istoryang isinulat niya, lagi kong pipiliin kung saan ka masaya. Sa lugar kung saan ka malaya.

Exit mobile version