Walang Hanggan

Una kitang makita, alam ko sa sarili kong ikaw na,

Nahihiya man lumapit, pinilit humakbang upang sabihan na…

Pwede ba kitang mas makilala pa?

Mga mata mong nakangiti, tumitig sakin sandali,

Saba’y sabing “Okay lang”, biglang namula, hindi alam saan pupunta,

Sa iyong paglagpas, sa kilig ako’y napatumba

Dalawang buwan na walang patid na magkausap

Isinantabi na ang lahat ng pagpapanggap

Inaamin ko noong una sa iyong ganda naakit,

Ngunit habang nakikilala ka pa, kalooban mo pala’y higit na marikit

Tatlo, hindi ko sukat akalain ang tatlong salita ay mabisa,

Nag umpisa sa “kumusta ka na?”

“Kumain ka na?” o kaya’y “nakauwi ka na?”

Hanggang ang simpleng mga tanong,

Sa “mahal na kita” rin kalaunan humantong

Apat na taon, sariwa pa rin ang mga alaala

Ang bawat saya at luha,

Hindi man perpekto,

Paminsan ay hindi klaro,

Ngunit patuloy na pipiliin sa araw araw,

Ikaw pa rin at ikaw

Lima, mali. Tama, limang mali,

Sa tuwing naalala ko’y hindi mapakali

Maaaring sa hiya o sa konsensya, ewan…

Pinatawad mo ako at muling pinagbigyan,

Hindi ko maipaliwanag ang nararamdaman,

Ngunit doon mata at puso ko ay nabuksan,

Ikaw na ang aking babaeng papakasalan

Ika-anim ng Hunyo, humarap tayo sa sanktuwaryo

Saksi ang mga taong alam ang ating kwento

Hindi biro ang pinagdaanan, hindi perpekto

Minahal mo ako sa hirap at ginhawa

Hayaan mong mahalin din kita sa lungkot at tuwa

Lumipas ang pitong dekada,

Tatlong anak, sampung apo, isang masayang pamilya

Ang lakas natin ay di na tulad ng tayo’y kabataan

Ngunit ang pag ibig mo’y kasinsigla noong tayo’y nasa ikalawang buwan

Wala nang mahihiling pa,

Walang akong pinagsisihan na ikaw ang pinili at hindi ang iba

Walo, simbolo ng walang hanggan dito sa mundo,

Ikaw man ay nasa kabila nang ibayo,

Napapangiti sa masayang alaala habang sinusulat ko ito,

Habang buhay nakaukit ang pagmamahal mo sa puso ko,

Hindi ako mapapagod na ikwento,

Ang pag ibig ay tunay na walang hanggan at totoo,

Kapag natagpuan mo ang tamang tao para sayo

By RCE

Spreading positivity through writing about love and life!

Exit mobile version