Willing to Wait Until Further Notice

Boss,Hindi ko alam kung paano ko ito sisimulan. Siguro sa paraang babalik muna ako doon sa panahon kung paano nagsimula ang lahat. Uy, alam ko na yang sasabihin mo! Ang arte o drama ko na naman hahaha. Wala eh, ganito talaga ako boss. Mas nailalabas ko kase yong damdamin ko kapag inilalapat ko ang mga salita sa papel…hilig ko to eh ang magsulat.Alam mo ba, ang dami kong gusto ikwento sa’yo. Yun nga lamang sa ilang beses na nagkita tayo, hindi ko na nagawang magshare kase mas gusto ko yong nakikinig sa mga kwento mo. Mas interesado akong malaman yong lahat-lahat sayo, yong mga nangyayari sayo, mga plano mo sa buhay kaya hinahayaan ko na lamang na ikaw yong nagkkwento at tagapakinig lamang ako. Gusto ko pa sanang marami pa tayong panahon na gawin yun kaso  nararamdaman ko na parang hihinto na tayo. Titigil na yong sinasakyan natin at hindi na matutuloy yong byahe nating dalawa..pakiramdam ko lang. Kaya ito siguro dito na lang muna ako magkkwento sayo.Alam mo boss, hindi ko inakala na may matitino pa palang tao ako na makakausap dun sa Grindr. Hahaha. Akala ko kase nong nag’install ako ng dating app na yun, pulos hook-ups, harutan, pulos fun, walang seryoso, mga pampalipas oras lang mga ganun. Marami na nga din akong nakilala dun at tulad nga ng expectations ko, halos lahat nga sila ganun o baka naman marunong lang sadya akong makisabay sa agos kaya ganun ang  mga  nakikilala ko. Hanggang isang gabi, nagmessage ka sa akin. Sorry ah hindi ko na matandaan yong profile name na gamit mo nun, pero tandang tanda ko pa yong bungad mo sakin, “HI BOSS”. Wala akong nabasang kahit ano sa bio mo katulad ng lagi kong ginagawa kapag may nakakachat ako dun, diretso ako agad sa pagbababasa ng bio. Doon kase nila kadalasan nilalagay yong expectations nila o kaya mga hugot nila sa buhay, hahaha. Kaso blangko din yong sayo. Tanging profile pic mo lang na hubad-baro pero putol yong bandang ulo ang nakadisplay sayo na pinagdudahan ko pa nga na baka poser ka haha. Agad ka namang nagsend ng buong picture mo bilang patunay na ikaw talaga yun. Hanggang yun…random convos, kulitan, asaran na may kasama pang harutan paminsan minsan. Hindi ko namalayan, ang gaan gaan ng pakiramdam ko habang kachat/kausap ka. Nabanggit mo pa nga minsan na okay lang wala kang jowa kase bata ka pa hahaha at yun nga nalaman ko, working-student ka pa pala. Pero sabi ko noon sa sarili ko, magsstick ako dito. Deadma na muna sa ibang kachat sa Grindr.

Masayang kausap to eh, maloko din pero halatang matalino. At lalo kong naramdaman yong saya nong nagvivideo call na tayong dalawa, hindi na lang chat. Mas naging iba pa lalo yong naramdaman ko nang makita kita via phone screen, yong singkit mong mga mata sa ilalim ng makakapal mong kilay na animo’y laging naiinis, yong prominent mong balbas at bigote na pulos trim lang ata ginagawa mo kase sabi mo nagmumukha kang totoy kapag nagsshave ka haha. Physically attracted na nga ako sayo ng mga panahong iyon.Bigla lang akong nalungkot nun lalo nang halos ilang araw ka ding walang paramdam sakin sa chat. Sabi ko noon, ah wala to, tulad lang to nang iba na hanggang sa una lang. Akala ko nga noon, hindi na tayo magkikita pa sa personal eh kase parang ang dami mong alibi haha. Pero bigla kang nagchat isang gabi para mag-ayang mag-inom.. Kaya nagulat talaga ako noon kase wala na akong expectations eh na mangyayari pa yong magkikita tayo. Hindi mo alam kung gaano ako kasaya nong nakita na kita finally sa personal habang gutom na gutom kang kumakain doon sa may ihawan sa tabi ng kalsada haha. Feeling ko nga nun ang sungit mo talaga sa personal kase pinapauna mo akong maglakad at para bang ayaw mo akong kasabay habang naglalakad. Sinabi ko na lang sa sarili ko, siguro discreet lang talaga to, ayaw pahalatang may kasabay na lalake hahaha. Ang saya ko nang gabing yun alam mo ba, kase mula sa parang ang lamig mo nong una, unti-unti naging iba yong mood mo pagdating mo ng bahay. Naging makwento ka na, yong mga bagay na hindi ko akalain na maishshare mo eh nasabi mo na rin sa akin.

Na-appreciate ko yong thought na may isang tao na hindi mo pa naman lubos na kakilala eh nagtiwala na agad na magbahagi ng kwento ng buhay nya. Nagulat pa nga ako nong dumako yong kwento mo kay Jessa, yong ex-gf mo na sobrang minahal mo kamu. Akala ko noon, yong mga hugot mo about sa love-life eh about din sa guy pero hindi pala. Ako tuloy yong naconfused sayo hahaha.Pero alam mo, mas lumalim yong nararamdaman ko sayo pagdaan ng mga araw. Kahit pa sinabi mo na sa aking na hindi ka pa ulit ready sa pakikipagrelasyon, sinusubukan ko pa rin sundin kung ano yong mas nakakapagpasaya sa akin. May mga pagkakataon talaga na pinipilit ko na pigilan pero hindi ko kaya eh, kaya ayun hinayaan ko na lamang patangay sa agos…bahala na kung saan ako dadalhin ng nararamdaman kong ito. Kase sabi ko naman, hindi naman kita mamadaliin if ever. Maghihintay kung may pag-asa ba. Ang mahalaga sa akin, maiparamdam ko at maipaalam sayo yong clear intentions ko. Hindi ko na nga inisip na mas ahead ako ng age sayo eh..and for sure hindi naman ito child abuse kase mas mukha ngang mas marami ka pa ngang alam kesa sa akin eh haha.  Pwera biro, para sa akin, kapag tinamaan ka talaga, hindi namimili ang puso kung sino sya o ano pa man sya. Sa kaso ko, ayaw nang paawat eh, ayaw nang papigil. Hindi ko na tinitingnan yong ikli ng panahon na mayroon tayo upang siguraduhin sa sarili ko na ikaw na talaga yong hinihintay ko. Marami na rin naman ang living proof sa ngayon ang makapagpapatotoo na hindi basehan ang tagal ng pagkakakilala upang magsimula sa isang relasyon.

Hindi ko na hihintayin pang patagalin yong panahon para maipadama sayo yong pagmamahal ko. Naniniwala kase ako na mas marami pang panahon para mas makilala natin ang bawat isa at gusto ko, sa pagdaan ng bawat araw ay magkasama na tayong tuklasin ang pagkatao ng isat isa. Ayaw ko na sanang dumaan  pa sa trial period, kung maaari namang deretso na sa full subscription, parang Netflix ba! Haha  Madalas pa nga, lage kong hinahanap yong presence mo kahit chat lang sa Viber. Kumpleto na ang araw ko kapag naggreet kita ng Good Morning everyday tapos may reply ka din. Masaya na ako doon. May mga pagkakataon din naman na nagsself-pity kapag ilang araw ka nang walang reply o kahit anong paramdam sa akin. Iniisip ko na baka nagsawa ka na..baka boring na sayo ang lahat. Pero yong pagiging optimistic ko ang kumukontra palage, para bang sya yong nagtatanggol para sayo at sinasabi sakin na dapat kitang intindihin kase nga bukod sa may pag-aaral ka na kelangan ipriority eh may trabaho ka pa na dapat pagtuunan din ng ibayong pansin. Saka kung iisipin naman talaga, wala akong karapatan magdemand ng kahit ano sayo, effort man o time yan, kase nga hindi naman tayo magpartner. Una pa lang nilinaw mo na sa akin yan. Ewan ko ba, makulit ako eh..kahit alam ko na yong real score ko sa’yo, still umaasa ako, naghihintay ako. Umaasa na mayroon at mayroong chance na magkaroon ng possibility ang isang bagay basta may perseverance kang gawin…may consistency kang ipakita kung ano talaga yong gusto mo. Hindi ko kase nakakalimutan yong sinabi mo sakin dati sa chat na maraming ganyan sa una..sa una lang pakitang gilas, masyadong aggressive…pero kung magsstay ako ng lageng ganito, ganun ka rin sakin. Pinanghawakan ko iyon.

Sinabi mo pa na “Maybe this is the right time, the age, the opportunity..but are you ready?” At alam ko naman na agad ang sagot jan…matagal na! Mahabang panahon na rin naman akong naghintay para sa tamang tao na ipagkakaloob sa akin ni Lord. Matagal na rin akong nag-ipon ng pagmamahal dito sa puso ko, kulang na lang talaga yong taong pagbubuhusan ko nito.Maalala ko pa pala kase hindi ko pa ata nasasabi ito sayo. Alam mo bang kaparehas ng nickname mong ‘’Ram’’ yong unang guy na nagkainteres din ako way back nong college days naming. Hindi ko nga alam baka sadyang coincidence lang. Isa sya sa mga naging close friends ko din na katagalan ay naging bahagi na din ng tropa. Igop din yun, matalino din pero masyadong seryoso sa buhay. Kaming dalawa yong mas naging close sa isa’t isa sa loob ng grupo, siguro dahil parehas kaming masipag mag-aral haha. Noong mga panahong iyon, batid ko na more than friends na yong nararamdaman ko sa kanya. Pero itinago ko yun kase ayaw kong masira yong magandang samahan na merun kami bilang magkabarkada. Straight kase sya at ako, confused pa noon sa sarili ko. Isang taon bago kami maggraduate, nagtransfer sya ng school na mas malapit sa kanya..working-student din sya ng time na yon. Hanggang sa 2 years ata after naming magtapos ng college, naisipan ko syang kumustahin. Pinakiramdaman ko yong sarili ko kung may espesyal pa rin ba akong nararamdaman sa kanya, at ganoon pa din. Walang nagbabago. First time ko kaseng maramdaman yun kaya sobrang pinahalagahan ko iyon. Iningatan kumbaga. Ilang lakas ng loob ang hiniram ko noon kay Bernardo Carpio para lamang magtapat ng damdamin ko sa kanya. Pero wala akong natanggap na sagot. Walang oo, walang hindi, walang pwede. Hanggang tanging sarili ko na lamang din ang kusang sumagot sa sa sarili kong katanungan. Nasaktan ako hindi dahil wala akong natanggap na sagot mula sa kanya kundi nasaktan ako dahil hinayaan kong lumipas yong mahabang taon na iningatan ko sya sa puso ko. Nanghinayang ako sa mga panahon na sana’y mas sumaya pa sana yong puso ko kung natuto na agad sana akong magmahal ng iba. At ngayon, hindi ko alam kung mauulit bang muli yong kapalaran ko dati.

Ikaw na panibagong “Ram” yong dumating sa buhay ko at pinapasok sa bahay ko haha. Panibagong yugto ng buhay ko kung kailan handa na sana akong tanggapin kung sino talaga ako sa pamamagitan ng pagmamahal sa taong gusto…at ikaw yun! Kaso yun nga, ikaw naman yong hindi pa handa kamu. Eh kung maghintay pa kaya ako, may pag-asa kaya ako? Pero alam mo sa totoo lang, minsan nagddoubt ako sa sinasabi mo na sa ngayon ayaw mo munang magjowa. Kase unang-una, bakit kita natagpuan sa dating app na Grindr? Anong ginagawa mo dun kung hindi ka pala naghahanap ng karelasyon? For hook-ups ka ba o simpleng kainuman lang ng alak? Basta for sure hindi  babae hanap mo dun haha. And speaking of karelasyon, you had it before naman diba habang nag-aaral ka pa din naman..live-in pa nga kamu kayo noon. Basta…may part ng sarili ko ang nagtatanong kung ano ang kaibahan noon at ngayon para pigilan mo ang sarili mo na makipagrelasyon. Salungat din kase sa sinabi mo dati na “maybe this is the right time, the age….”. O baka naman dahil sa ako lang to..na sadyang  wala kang espesyal na nararamdaman kagaya ng sa akin. Na yong mga simpleng asaran at harutan natin eh balewala lang sayo..gaya ng iba pampalipas oras lamang. Pero diba busy ka, wala kang time sa mga harutan… pero nagawa natin dati eh. Kaya umasa ako..na iba itong sa atin..na baka merun talagang chance. Lalo pa’t napaka’espesyal para akin ng tawagan nating “BOSS”. Sino bang mag-aakala na ang sarap palang pakinggan kapag ganito yong endearment sa isa’t isa. Malayo sa alam ng karamihan na ginagamit itong pantawag sa taong may mataas na posisyon sa kumpanya o mas makapangyarihang indibidwal na kelangang sundin at irespeto. Pero ngayon para sa akin, ang salitang Boss ay tila ba musika sa aking pandinig na kaysarap at walang takot pakinggan. Si Boss Panda pala ah, paka-ingatan mo yan. First-time kung magbigay ng ganyan kalaking stuffed-toy! Hahaha. Actually, lahat pala yan, unang beses kong ginawa na magsend ng surprise birthday gift sa taong espesyal sa akin. Hindi ko inakala na darating pa pala yong point na ako mismo ang kikiligin habang inaayos ko yong pag-oorder ng mga ipapadeliver ko sayo. Grabe lang ang excitement ko noon, first time eh! At alam mo ba, emosyonal ako habang binabasa ko yong pasasalamat mo sa mga natanggap mo. Hindi ko maipaliwanag yong sayang bumabalot sakin noon. Umiyak pa nga ako sa CR noon eh, naisip ko kase yong nagastos ko! Hahahahaha biro lang! 

Pero sabi nga nila, never assume anything unless otherwise stated. Handle your expectations or else, it will wreck you. Yon na nga siguro yong nangyayari sa akin ngayon, hinayaan kong tangayin ako ng agos kung saan hindi ko alam saan patungo. May takot na baka unti-unti akong malunod at walang kasiguraduhang may sasagip. Pero sabi ko naman kay Lord noon, bago pa ang lahat ng ito, na handa ako eh. Ano’t ano pa man ang maging kahantungan, tatanggapin ko kase ginusto ko. Handa akong maging talunan sa sugal na sinuong ko. Kung pinaglalaruan man ako ng tadhana, handa akong maging taya. Sumaya ako dito eh..sumaya ako dahil nagmahal ako. Maghihintay lang ako…kung hanggang kelan, iyun ang hindi ko alam. Basta sabihan mo lang ako kapag ayaw mo na.-Boss

Exit mobile version