Naranasan mo na ba magdasal at magwish pero matagal bago binigay sayo? Tipong nawawalan ka na ng pag-asa kasi parang hindi naririnig ang dasal mo? O kaya naman, naisip mo ba na baka kaya ang tagal ibigay sayo kasi hindi naman pala dapat ibigay sayo ang gusto mo? Normal satin ang ganitong mga tanong. Nabubuhay kasi tayo sa pag-aakala na alam natin ang totoong magpapasaya satin kasi tayo yung sasaya eh, tayo ang makakaranas ng saya at fulfillment kapag nakuha natin ang wish natin. May mga pagkakataon pa nga na madaming beses tayong nagdadasal sa pag-aakala na baka makulitan yung mabait na Naglalang sa taas at ibigay na ang wish natin. And as time goes by, we start questioning our faith and His capacity to understand us. We insist that we know what we want, what we need, who we want, who we need, when and where we want and need it. Truth is, hindi naman talaga ganon ang katotohanan ng buhay. Gasgas man pakinggan pero life is really full of mystery. Misteryong walang kasiguraduhan kung ano ba ang hatid sayo. Maaari tayong magwish ng napakarami pero ang lahat ay naayon sa ikabubuti natin base sa plano ni God.
Naalala ko dalawang taon na ang nakakalipas, na-brokenhearted ako at tila gusto ko nang mamatay. Inakala ko kasi na kaya naging kami ng childhood friend ko ay dahil nakatadhana na malaman muna naming ang buong buhay ng bawat isa para kapag naging kami na, ang lahat ay tila pinaghandaan na namin. Kaso niloko niya ko. Pinagpalit niya ko sa pinsan ko. Sabi nga lang sa wikang Ingles sa mga online games, “double kill” ang nangyare; yung boyfriend ko noon at ang pinakaclose ko na pinsan ang nagkatuluyan habang nagpapakahirap akong magtrabaho sa ibang bansa. Dasal ako ng dasal pagkatapos ko malaman lahat yon, wish ako ng wish na sana mawala na yung sakit na nararamdaman ko, sana maintindihan ko kung bakit ito nangyari sakin at sana bumalik na agad yung masayahing ako. Dumating pa nga sa punto na hindi na ko nagsisimba, feeling ko kasi wala naman nangyayari, mag-iisang taon na simula nung nalaman ko na pinagpalit ako pero bakit masakit pa rin? Destined ba talaga na masaya sila tapos ako nasasaktan pa rin? Ang labo.
Makalipas ang ilan pang buwan, nagkaroon ako ng maayos na career sa ibang bansa. Inilaan ko ang lahat ng oras ko sa trabaho, pamilya, mga kaibigan at interes ko tulad ng paglalaro ng Volleyball at pagsusulat. Hanggang sa namalayan ko na lang na, “teka, ok na ko ah, di na ko nasasaktan, naka-move on na nga yata ako.” Hindi ko man hiningi ang tagumpay at kaligayahan sa ibang aspeto ng buhay ko, tila ba yun ang sagot sa wish ko na mawala na ang sakit, maintindihan kung bakit nangyari ang sitwasyon na iyon sa akin at bumalik ang masayahing ako. Natagalan man na marealize ko ang lahat, siguro ganun talaga dapat, wag madaliin at namnamin ang bawat pangyayari sa buhay para mag-iwan ito ng matinding alaala at baguhin ang pagkatao ko sa mas mabuting bersyon ng AKO.
Madalas tayong magwish, pero binabalikan ba natin ang mga nauna nating wish at kung naibigay na ba ito satin? Maaari kasing ibinigay na ito sa kakaibang paraan kaya hindi natin namamalayan. O kaya naman dapat natin maintindihan na kung hindi man ibinigay ang wish natin, marahil ay mayroong mas karapat-dapat tayong matanggap. Higit sa lahat, ang bawat wish natin ay dapat tinatambalan ng pagsusumikap. Hindi naman tayo si Juan Tamad na naghihintay na malaglag sa kanyang bibig ang bunga ng bayabas na naglalambtin sa puno. Masarap sa pakiramdam na ang mga tinatamasa natin sa buhay ay bahagi ng ating wish, pinaghirapan at pinagsumikapan kasabay ng taimtim na pagdarasal. May kakaibang satisfaction itong kaakibat.
Ikaw, nagrant na ba ang wish mo?