You Exist in my Soul

Ang takbo ng buong taon. 

     Tatlong daan tatlumpu’t anim at bago sumapit ay napuno ng mga pangyayaring hindi inaasahan, at mga kaganapang nagbigay kagalakan. Sa pagtakbo ng bawat araw, aking natanaw ang napakaraming pangarap na tila ba hindi na magkakaroon ng katuparan. Subalit sa kabilang banda may mga bagong tao at pangarap na binuo sa bawat minutong pagikot ng orasan. Kasabay nito ang paglaho ng mga taong akala ko aabot hanggang dulo. Mula rito nagsimula ang pagtatapos at ang pagsisimula ng bagong yugto.

Sa karerang bahagyang huminto,

Nagbukas ang isang pinto na napakatagal ng nakatago.

Sa napakataas na bakod sa dako rito.

PUSO

Sa nagdaang taon maraming nagtangka.

Marami akong inakala na baka sya na nga.

     Subalit, alam kong ang mga pader na aking tinayo ay pinagtibay na ng panahon at sakit ng isang kahapon. Matibay ang aking loob na walang makakatibag sa bakod na iyon. Tama. Walang tumibag sa bakod, subalit may bukod tanging nakatawid. At ang pangyayaring iyon ay mas napatibay ang katotohanang sa huli, tunay na pag-ibig ang laging nagwawagi. Hindi na pighati subalit ngiti na ang nag-umapaw na parang alon sa dagat na walang katapusan. 

     Natapos na ang pait at sumibol ang lagkit ng pagtitinginan na parang sikat ng araw na nagliliwanag. Wala na ang takot maging ang mga poot dahil sa wakas, nabuksan ang aking kaisipan na sa karera ng buhay mas magaan kung may kaagapay. Dahil ano man ang pagsubok na haharapin sigurado akong nandyan siya at kapiling.

Alam ko na hindi siya isang tadhanang mapaglaro.

Pagmamahal nya ay hindi duwag upang ito ay itago.

Mga salita nya ay repleksyon ng laman ng kanyang puso.

     Kahalili ng mga kilos nyang mas klaro pa sa pinakamalinaw na salamin at ako lang ang nakikita. At sa akin lamang ipinadarama na kung minsan ay parang hangin kahit di ko sya makita, ramdam ko ang kanyang presensya. Maligaya ang aking puso sa pag-ibig na kanyang inialay. Dahil sa wakas, sa paglubog ng araw at sa pagtatapos ng taon may natatanging nilalang na tama ang simula at malinis ang hangarin.

Wala na akong pangamba.

Hindi na ako nanghihinayang,

Sa bawat segundo ng nakalipas na taon.

At sa dilim ng gabi ay hindi na iiyak,

Salamat sa bagong galak.

Hindi pa ito ang katapusan.

Ito pa lamang ang panimula.

Exit mobile version