Lalapit.
Lalayo.
Lalapit uli.
Paulit-ulit.
Hindi ko alam kung bakit.
Parang alon, parang galaw ng tubig.
Ang bawat pagbalik ay nakakaakit
at ang bawat paglayo ay tila daluyong
na humahampas sa aking dibdib.
Ngunit gaya ng mga buhangin
ang iyong pagbabalik ay palaging hihintayin.
Baka sakaling sa iyong paglayo ay isama mo na ako at tangayin
at ang dagat ay sabay na nating lalakbayin.
Magkasama.
Hindi na magkalayo, bagkus magkalapit.
Parang mga alon, gagalaw ng sabay at paulit-ulit.
Anumang daluyong na dumating ay magkasama na nating haharapin
at sa pampang ay hindi na luluhang maghihintay sa iyong pagbabalik.
At sa huli ay may sagot na ang lahat;
hindi na natin kailangan ng bakit.