“Just ride the tide until the sun rises again because it always does.”

Open Letter

Magkaiba pero iisa, magkaiba ang dahilan sa kung paano sila satin nawala ng tuluyan pero iisa lang ang pinatunguhan. Kalungkutan.

Nawala na sila, iniwan na nila tayo. Ang dating umaga na masaya tayo sa piling nila ay tila bahagi na lamang ng pagtulog natin ng mahimbing sa takot na gumising na naman tayo at maramdaman ang sakit na,  “heto mag isa na naman ako.”

Ang mga gabi na kung saan hindi naman dating maginaw ay naging isang madilim na parte ng ating buong araw kahit kaliwa’t kanan naman ang poste ng mga ilaw.
Damang dama na palagi ang pagod sa magdamagan na pag-aaral, pag gawa ng gawaing bahay, pag-aasikaso sa pamilya o pagtatrabaho na noon naman ay masaya at kinagigiliwang gawin ang mga ito ng may ngiti sa mga labi. Kayang kaya naman to kahit anong klaseng pagod pa man yan, mapatrabaho sa opisina, dalawang oras na byahe hanggang makauwi sa bahay, pamamalengke para may lutuin sa kusina. Lahat ng mga iyon sa atin ay tila posible pero biglang nangyari ang akala natin ay imposible. Gumuho na lang lahat bigla nung sila sa atin ay nawala. Ang tawa at saya ay napalitan ng lungkot at pagluha. Sa umaga ay tulala at di makadama ng kahit anong gana sa kung ano man ang dapat ay atin na sana ay ginagawa. Pagsapit ng gabi ay nais na agad makatulog para sakit ay hindi na paulit ulit na bumulong sa puso at isip habang nakatalukbong ka sa mga kumot. Napakasikip sa dibdib ng pag-iyak habang naiisip ang kanilang mga yakap.

Ngayon,  nandito na tayo sa pinakamasakit, pinakamahirap at pinakamabagal na proseso. Ang pag usad sa nakaraang hindi na maibabalik pa. Ang ibig kong sabihin ay ginawa naman na natin ang lahat para mabawi sila ngunit hindi mo na magawang mahila pabalik, ayaw na nilang sumama, puso tila di na nagpapakuha pa. Gusto at ginugusto na nila ang pag alis at wala na tayong magawa pa. Halos lunurin natin sa alak ang pusong nawasak. Araw gabi ay hindi natin mahagilap ang sarili natin, nawala tayo sa kalagitnaan ng proseso at hindi na alam kung saan pa tayo patungo.

Walang madaling paraan sa kung paano tayo makakalimot agad. Lalo na’t sa sarili din naman natin ay parang ayaw pa nating bitawan ang mga alaala ng taong nagpasaya satin noon at dahilan na ng pagluha natin ngayon. Laging may isang parte sa atin ang nagpipigil sa paglimot. Hindi natin matukoy kung saan dapat tayo lulugar kahit ang mundo ay nakagawa na ng ilang ikot. Ang mahalin ka ulit kapag maayos na ang lahat o ang makalimot dahil nalimutan mo na ang lahat. Nakakatawang isipin kung paano tayo magsisimula. Paano nga ba? Pinupulot natin ang bawat piraso ng puso nating nawasak, binubuo bawat parte ng pagkatao nating nawarak. Patanga-tanga pa tayo kung paano ba gagawin yon. Nangyari na ang mga nangyari pero hindi pa din natin matanggap na nasa dulo na tayo ng libro. At gaya ng mga istorya sa libro na may simula, nandun na tayo sa wakas. Sa paglipat mo ng pahina ay doon makikita ang kinalalagyan natin ngayon. Sa pahina ng pasasalamat, pasasalamat ng taong gumawa ng ating istorya o di naman kaya ay isang pahina ng buod na dapat kapulutan ng aral sa buong kwentong naibahagi ng libro.

Marami pang araw na magdaraan satin, maraming pang kanta o sitwasyon na tayo ay paluluhain. May mga araw na masasabi na nating heto na, masaya na ulit tayo. Naibabaling na natin ang atensyon natin sa ibang bagay, sa ibang tao na parang di mo na talaga maalala ang kayo at para bang ang layo layo na ng ating nalakbay pero dahil mapaglaro ang tadhana susubukan tayo muli nito. At sa panahong lumingon tayo sa nakaraan dahil sa pag aakala  na kaya na nating harapin ay saka din makikita na nananatili pa din tayo sa iyong kinalalagyan. Walang pag-usad na naganap, ang pag aakala na malayo ay hindi manlang lumagpas kahit ni-isang metro.

Kapatid, masalimuot ang mga mararanasan mo sa mga susunod na mga araw pero wag kang sumuko sa sarili mo gaya ng pagsuko nya sayo. Maaaring hindi ko alam kung paano kayo natapos pero wag kang maging madamot para sa kaligayahang dapat ay tinatamasa mo. Namnamin mo lang ang masakit na prosesong madaraanan mo sa bawat araw. Umiyak ka lang ng umiyak, ilabas mo lang lahat hanggang sa wala ka ng luha na mailabas at pati sa pagmumukmok ay wala ka na ring lakas.
Isipin mo lang palagi na may mga nasasaktang mga tao dahil ganyan ang kinalalagyan mo. Magpakatatag ka lang, makakatapos ka, makakaraos ka din. Nandyan ang pamilya mo, ibuhos mo sa kanila ang pagmamahal na inialay mo. Ibahagi mo din sa mga kaibigan mo ang oras at atensyon na ibinigay mo at higit sa lahat, ipagkaloob mo sa sarili mo ang pagpapatawad.

Sisikat muli ang araw at pagdating ng panahon na yon ay nakangiti sayo pati ang mundo dahil sa di mo pagsuko.

Exit mobile version