Bago Kita Binitawan

Siguro ngayon iniisip mo na ikaw ang may problema, ikaw ang may kakulangan, ikaw ang hindi kamahal-mahal kaya pinili ko na iwan ka, pinili ko ang bitawan ka.

Cliche man at nakakainis pakinggan ang mga katagang “It’s not you it’s me” ngunit iyon ang katotohanan.

Pero gusto ko lang malaman mo, na ilang libong ulit kong pinag-isipan ang naging pasya ko, makasarili ako iyan ang maiisip mo. Pero mas magiging makasarili ako kung pipiliin kita ngayon, paasahin at pangangakuan na ipaglalaban at hindi kailan man iiwan o bibitawan ngunit bibitaw rin sa dulo.

Bago kita binitawan, gusto ko lang malaman mong sa ating dalawa ako ang unang nasaktan. Nasasaktan ako sa katotohanang, sa dinami-rami ng tao sa mundo ako na pinili at sinubukan mong tayaan pero hindi kita kinayang ipaglaban.

Bago kita binitawan, kailangan ko tanggapin ang katotohanang mahina ako at napakalakas mo para hindi ako sumbatan, sabihin na ayos lang at wala kang ibang gusto kundi ang mahanap ko ang kaligayahan.

Bago kita binitawan, ilang luha ang kumawala sa mga mata ko, pero ni hindi man lamang mabawi nito ang bigat ng nararamdaman ko.

Bago kita binitawan, alam kong iyon na ang ating magiging katapusan. Hindi na kita maaaring batiin sa araw ng iyong kaarawan, sa pasko, bagong taon o sa araw ng mga puso. Hindi na, dahil wala na akong dahilan at wala na akong karapatang bumuo pa sayo ng ugnayan.

Bago kita binitawan, alam kong ang huling mga salita na lamang na maiaalay ko sayo, ay “ingat” “patawad” at “paalam” ngunit hindi ang pag-amin na ika’y aking minamahal.

Matapos kitang bitawan, alam kong sa mga larawan na lang kita mapagmamasdan. Na ultimo ang simpleng pagbati ng “Hi, Hello at Kamusta” ay hindi ko na masasabi pa.

Ikaw ang patunay ng pagiging duwag at mahina ko. Alam kong bahagi ka na lamang ng mga pagsisisi ko at ang kahulugan ng mga “sana” ko.

Exit mobile version