Bakit ang tilaok ng mga manok ay nagsisilbing hudyat na umaga na, ngunit ang oras ninyo ay magkaiba?
Bakit ang araw ay maliwanag na sumisikat tuwing gigising ka, pero ang labo niya?
Bakit ang eroplano ay malayang lumilipad sa ere, lugar kung saan iniwan ka niyang mag-isa?
Bakit ang pag-ibig na dapat ay masaya, datapwat sinaktan at dinurog ang puso mong mahina?
———
Minsan iniisip ko kung bakit maraming nahihilig sa ampalaya kahit ito ay mapait. Sabi nila maganda daw sa kalusugan, pero ang pait sa puso eh hindi dapat ninanamnam. Gaya ng katanungan ko kung bakit ipinagbabawal ang matatamis dahil masama sa katawan, pero ang tamis na hatid ng pagmamahal eh inaasam-asam. Hindi ko nga maintindihan kung bakit ‘pag ang bata nasugatan, iiyak lang sandali tapos tuloy ang laro at tawanan. Ganu’n lang, moved on na agad. Gaya nang hindi ko pagkaunawa kung bakit ‘pag ang puso ang nasugatan eh ang tagal maghilom, kahit ilang araw o linggo ka nang ngumawa at nabaon na ang mga mata mo sa luha. Hard.
Bakit darating ang buwanang dalaw tuwing may langoy ka sa mismong araw? Bakit uulan ng malakas tuwing nagpaplano kang tumakbo sa labas? Bakit kung kailan ka nagdesisyong bilhin ang isang bagay eh ubos na ang paninda? Bakit kung kailan mo kailangan ang isang gamit eh hindi mo makita-kita? Parang ‘yung sa inyo, wrong timing lagi ‘diba?
Bakit ang kamay at paa ay dalawa, gayundin ang tenga at mga mata, pero ikaw walang kapareha?
Kung bakit may mga taong nagtatapon pa rin ng basura kung saan-saan na parang mga walang pinag-aralan… Kung bakit may mga taong hindi makawala sa sariling bisyo at kahirapan… Kung bakit may madaling makatulog at may hirap sa pagtulog… Kung bakit sinasabing kapag mahal mo na eh ikaw ay nahulog… ‘Di ko maarok. Kaya ba masakit kasi naumpog?
Bakit ang kwaderno, ‘pag walang panulat, walang kwenta? Bakit ang libro, kung walang magbabasa, walang halaga? Pero siya, kahit walang ikaw, parang kumpleto na?
Lahat tayo ay may dalawangpu’t apat na oras sa isang araw, pero bakit sa iba parang kulang? Lahat tayo ay nagmula sa isang lalaki at isang babae, pero bakit hindi lahat may magulang? Lahat tayo ay may karapatang magmahal at mahalin, pero bakit parang ang daming humaharang?
Bakit ang alon sa dagat, ‘pag maingay ay ayos lang, pero pag tahimik ay uulan? Bakit ang ulap sa langit, pag rumaragundong gawa ng kulog at kidlat ay uulan, pero ‘pag tahimik at maaliwalas ay ayos lang? Kagaya ng bakit hindi ka crush ng crush mo, at bakit kailangan mong mamili kung ‘yung mahal ka o ‘yung mahal mo?
Tanong ko, bakit nga ba?
———
Bakit ang eroplano ay malayang lumilipad sa ere, lugar kung saan iniwan niya akong mag-isa?
Bakit ang araw ay maliwanag na sumisikat tuwing ako’y gigising, pero ang labo niya?
Bakit ang tilaok ng mga manok ay nagsisilbing hudyat na umaga na, ngunit ang oras namin ay magkaiba?
Bakit ang pag-ibig, datapwat sinaktan at dinurog ang puso kong mahina, ay naghahatid ng walang-hanggang ligaya?
At bakit heto ako, patuloy na umaasa?
Darating din siya.
O dumating na?