Bestfriend, hanggang dito na lang…

Wala namang problema kung lalaki ka at babae ako, diba? Yan nga din ang tawag ng mga tao sa atin — bestfriends. Best. Friends. Hanggang dun nalang ba talaga? Siguro hanggang dito nalang.

Pero bago pa natin tingnan ang pait nitong dulo, maari mo ba muna akong samahan na sulyapan ang matamis na kahapon?

Oo, kahapon.

Kahapon kung kailan na puro tawa at walang katapusang kwentuhan ang nararanasan.

Kahapon kung kailan ang lahat ng problema ay pwedeng tawanan dahil alam nating kaagapay natin ang bawat isa.

Kahapon kung kailan ang mga isip natin ay laging nagtatagpo — sa bawat bigat ng paghinga, ay naiintindihan na natin ang ibig sabihin ng isa’t-isa.

Kahapon na parang ang lahat ay walang hangganan; na parang ang bukas ay hindi kailangan katakutan, dahil sigurado magkasama tayo hanggang sa dulo.

Yan ang akala ko…

Akala ko hanggang sa dulo, magkahawak ang ating mga kamay. Wala naman kasi silang sinabi na posibleng isang araw paggising ko, at ngayon na nga, na ang pangalan mo ang isisigaw ng puso ko.

Ngayon hindi ko alam kung paano aaminin sayo, na ang bawat ngiti mo ang tumutunaw sa puso ko.

Ngayon na bawat segundong lumipas, tawa at mga kwento mo ang aking hinahanap.

Ngayon na hindi na kita makasama, sa boses mo ako’y nangungulila.

Ngayon na kung kailan inamin mo na, ang mahal mo ay hindi ako, kundi sya.

Bakit nga ba ako umasa? Ang saklap diba?

Pwede ko ba sayo isisi lahat ng nararamdamang ito? Pwede bang bawiin ko ang mga panahon na nakilala kita at hinayaan kong mangyari ang nasa kahapon?

Kung pwede sana, gusto kong ibalik yung mga panahon na bago pa umabot sa kahapon, ang noon.

Noon na kung saan nakikita kita pero hindi napapansin.

Noon na kung kailan mga importanteng paksa lang ang pinag-uusapan natin.

Noon na sigurado akong maalagaan ko ang sarili ko, dahil walang ibang mag aalaga sakin, walang ibang mag-aalala para sakin, noon na kung kailan hindi ko inaasahan na ikaw’y mapapalapit sa akin.

Pero hindi ganyan ang buhay. May mga tao na kailangan dumaan at umalis matapos ang ilang saglit. Isa ka ba dun? Siguro nga. Oo, hanggang dito nalang diba?

Alam kong hindi mo kasalanan. Hinayaan kong mahulog ang sarili ko sa mga maliliit na bagay na palagi mong ginagawa.

Kaya pasensya ka na kung bukas ay hindi na ako makakasama.

Bukas paggising ko, alam kong ikaw pa rin ang hahanapin.

Bukas na kung kailan sinabi mong sya ang iyong pipiliing mahalin.

Bukas na hindi ko alam kung saan ako dadalhin.

Pero alam kong bukas, o sa bukas makalawa, puso ko ay maghihilom din.

By Latté Express

Latté Express is someone who is a certified coffee addict. Eventually, as she spent longer times at coffee shops, she discovered that emotions are better expressed with a stranger, a friend or a loved one, and a cup of coffee.

Leave a comment

Exit mobile version