“Gusto kita.” Dalawang salita na pinag-isapan kung sasabihin ba o kakalimutan na. Sasabihin ba kahit na pagkatapos lahat ay mag-iiba. O kakalimutan na para manatili kung anong meron tayong dalawa. Pero pilit susugal, gagawa ng paraan, magbabakasakali na pareho ang nararamdaman. At sa iyong harapan takot ay nilalabanan, hindi mapakali, malikot na mga mata, mabilis na paghinga, mabilis na tibok ng puso, kung ano-ano sa isip ko’y naglalaro. At sa tanong mong “May sasabihin ka ba?” Bigla na lang isip ko ay huminto, mga salita sa isip ko naglalaro san na nga ba nagtungo. Lumamig ang paligid, walang marinig, blangkong pag-iisip, mga matang sayo lang nakatitig. Sa pag bukas ng aking bibig, “Gusto kita” yan ang aking nasambit. Paligid ay tumahimik, wala sa ating dalawa ang umiimik. At nang tayo ay bumalik sa mundong malupit, mga mata ko sa labi mo nakatingin, binabasa bawat pantig sa dalawang salita mong binanggit. “Pasensya na”. Dalawang salita na iyong sinukli habang ang sakit ay tinatago sa ngiti. Pilit pinapaunawa sa sarili na hindi sana nangyari kung hindi ipinilit na “Gusto kita”. Dalawang salita na ilang ulit pinag-isipan kung sasabihin ba o dapat nga pala ay kinalimutan na.