Hanggang dito nalang tayo

Maaring sa pagbasa mo ng pamagat na ito, mabanggit mo ang isa sa mga sikat na famous lines, “there was never an us!”

Nais kong simulan ang panulat ko na ito sa isang analohiya: Ako’y mahimbing na nakahimlay sa malambot na kama nang ako’y iyong ginising, “tara’t mag almusal”, iyong pag-imbita. Tila ako’y naghangad ng daing na pusit, mainit na sinangag, at kape. Kaya dali-dali akong bumangon at pumaroon sa kusina. Ngunit, pagdating ko doon, wala ka. Walang almusal.

Gaya ng iyong pinaramdam sa analohiyang iyon, tila ako’y naguguluminahan din. Bakit mo ako ginising sa kahimbingan ng aking tulog gayong wala naman pala akong daratnan? Bakit ka umamin na parehas tayo ng nararamdaman ngunit hindi mo pala kayang manindigan?

Okay. Tapos na ko mag-rant.

Kailangan ko na gumising sa realidad. Gusto ko na pakawalan ang sarili ko sa ideya na “baka pwede tayo”. Masakit, mahirap, ngunit alam kong ito ang tama kaysa sa maghintay sa bagay na walang kasiguraduhan. Muli, andito nanaman ako sa parte ng buhay ko na kailangan kong buoin at mahalin ang sarili ko. Alam mo yon? Mahal na mahal kita, pero paano naman ako? Sino ang magmamahal sa akin?

Tulad ng isang liham, hanggang dito nalang siguro talaga tayo. Magtatapos sa isang bagay na hindi naman nasimulan.

Umaasa ako na balang araw, magiging maayos din ako. Nawa, ikaw din. Para kapag dumating yung oras na tayo’y umibig, malaya ang sarili natin mula sa alaala ng nakaraan at mamahalin natin ng tama yung tamang tao ng may paninindigan. Ikaw at ako man sa dulo o hindi.

Exit mobile version