“I like you,” he said.
Yan ang katagang sinabi mo nang makita mo ako muli. Nagtagpo tayo sa iisang lugar na pareho lang natin iniikot at dinadaanan. Ito din ang naging pagkakataon mong itapat ang iyong mata sa aking mga mata. Bigla ko din naramdaman yung kaba at kilig dahil ikaw pa lamang ang taong nakapagsabi na may gusto sa akin. Naaalala ko pa rin kung paano mo ako hinawakan sa aking mga kamay, at paano mo ako niyakap dahil hindi ka pa rin makapaniwala na ako ay iyo na.
“I will do everything I can to make you happy,” he said.
Sa bawat lungkot na nararamdaman ko, nandyan ka lagi sa tabi ko para iguhit ang ngiti sa aking labi. Ikaw din ang nagpupunas ng aking mga luha sa aking pisngi, at ikaw din ang naging sandalan ko sa mga araw at gabi na gusto ko ng masasandalan. Pinapasaya mo ako sa mga paraan na alam kong ikagagalak ko. Kung ano man ang kasiyahan ko, gano’n din ang nagpapasaya sayo. Sobrang sarap tumawa ‘pag ikaw ang kasama, dahil naririnig ko ang iyong pagtawa sa tuwing nagke-kwentuhan tayo.
“You’re my world and my life,” he said.
Mula sa iyong pagtingin, ramdam ko na parang ako lang ang tao sa mundong kinatatayuan natin. Ginawa mo akong mundo at buhay mo, na halos buong araw mo sa’kin ibinibigay. Sa bawat tumatakbong oras, minuto, at segundo, sinusulit ko na magkasama tayong dalawa. Kapag tayo ay nagyayakapan, nararamdaman ko na tayong dalawa ay nagiging isa habang buhay.
“I love you,” he said.
Yung halik na kasing tamis ng iyong pagmamahal, yung yakap na sobrang init at lambot, at yung pagtingin mong parang ako lang ang nag-iisang babae sa harap mo. Pero sa bawat halik, yakap, at pagtingin mo, para akong yelo na tumutulo at natutunaw sa iyong mainit na pagmamahal. Walang labis, walang kulang, dahil lahat ng gusto ko ay nakuha ko na.
“But I’m sorry,” he said.
Nagbago ang lahat dahil sa hindi ko aakalain na mawawalan siya ng gana sa’kin. Ano ba ang nangyari? Ano ba’ng ginawa ko? Bakit bigla kang nag-iba? Saan ba ako nagkulang at nagkamali? Pwede pa ba’ng ayusin? Nawalan na ba siya ng pagmamahal? Ang daming tanong at ang dami kong hinihiling na kasagutan, pero ni isa ay walang sagot.
“I have to say goodbye,” he said.
Lumisan nang walang paalam, walang pasabi. Iniwan akong luhaan at nakatingin sa himpapawid habang pinapanood ang eroplanong kanyang sinasakyan. Sobrang sakit, yung kirot na halos sinasakal na ako at sinusuntok ang dibdib ko. Basang basa na ang aking mga pisngi dahil patuloy lang na bumubuhos ang aking mga luha. Bakit ganito? Ganun ba ako kadaling iwanan?
“You don’t deserve me,” he said.
But then he also said,
“Mahal pa rin kita kahit wala na tayo. Salamat sa’yo dahil binuo mo ang pagkatao ko muli. Mahalin mo pa rin ako pero hindi na katulad ng dati. Ikaw pa rin, pero hindi na kita pipiliin araw-araw.”